STY INT’L GYMNASTICS CHAMPIONSHIPS LALARGA

KABUUANG 700 batang lokal at dayuhang gymnasts ang magpapakitang-gilas sa 9th STY (Sonny Ty) International Gymnastics Championships sa Oktubre 18-20 sa Muntinlupa Sports Complex sa Muntinlupa City.

Inorganisa ng Philippine Gymnastics and Athletics Academy (PGAA) STY Gymnastics and Sports Center, sa pamumuno ni coach Normita ‘Boots’ Dimanlig-Ty, kumpirmadong sasabak ang mga koponan mula sa Vietnam, HongKong, Malaysia, at Indonesia para sa tatlong araw na torneo na ginaganap bilang pag-alaala sa yumaong asawa at dating national mentor na si Sonny Ty, katuwang ang Muntinlupa Youth Affairs and Sports Development Office (YASDO) na pinamumunuan ni Cynthia Baclay Viacrusis at Bellevue Hotel.

Ang mga lokal na delegado ay magmumula sa pinakamalayong lalawigan ng Ifugao mula sa Hilaga at Davao City mula sa Timog, sapat upang masilayan ang kahusayan ng mga gymnast sa buong bansa. Kabilang din ang Bataan, Bulacan, Bicol, Nueva Ecija, Cebu, at Bacolod sa paligsahan na suportado nina Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at Congressman Jimmy Fresnedi.

“The search for the next Carlos Yulo is on and as an organization formed more than a decade ago with a mission to help and train the underprivilege youth, we’re back and for the 9th year servicing the country with a tournament purely focused on the grassroots development,” pahayag ni Ty, dating volleyball player-turned gymnastics coach sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) “Usapang Sports” nitong Huwebes sa PSC Conference Room in Malate Manila.

Kasama ni coach Boots sa talakayan na suportado ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat si 2024 Cebu Palarong Pambansa gold medalist (Elementary) Avielle Caballes.

Ang 12-anyos na protégé, isang Grade 7 student sa Muntinlupa National School, ay isa sa isang dosenang estudyante/iskolar ng YASDO na nakatanggap ng libreng pagsasanay sa PGAA STY Center sa pangangasiwa si coach Boots.

Sinabi ni coach Boots na gumugugol si Caballes ng halos isang oras na biyahe sa tricycle at jeepney mula sa kanyang tirahan sa Muntinlupa patungo sa PGAA Center sa Carmona, Cavite upang hindi magmingtis sa araw-araw niyang pagsasanay para patalasin ang kanyang talent.

“Masaya po ako at napasama ako sa mga tinuturuan ni coach Boots. Nagpapasalamat po ako sa tulong at paggabay nila sa akin at sa mga kasama ko. Magpupursige po ako na matuto at humusay para marating ko ang SEA Games at maka-Olympics tulad ng idol kong si Carlos Yulo,” sambit ni Caballe, nag-ambag ng tatlong ginto sa 19 na gintong medalya na napagwagian ng PGAA Team sa Gavrila Gymnastics Invitational noong nakalipas na taon sa Bangkok, Thailand.

Sinabi ni coach Boots na nagpaabot siya ng imbitasyon kay Yulo sa pamamagitan ng Philippine Gymnastics Association (PGA) at umaasa na ang Paris double gold medalist ay makabisita para higit na magbigay ng inspirasyon sa mga batang gymnast.

“Ang presensiya niya (Yulo) ay magpapalakas ng moral ng ating mga gymnast. Siya na kasi ang natatanging atleta natin, Kaya naman Carlos (Yulo) baka naman,” pabirong pahayag ni coach Boots.
CLYDE MARIANO