STYLE TIPS 101

STYLE TIPS

(Ni CT SARIGUMBA)

MARAMI ang mahilig mag-ayos at nakasasabay sa uso—lalo na pagdating sa pananamit, makeup, gupit at style ng buhok. Pero mayroon din namang ilan na hirap mag-ayos o walang talento para sumabay sa uso lalo na kung outfit ang pag-uusapan.

Kung tutuusin, hindi naman mahirap ang sumabay sa uso. Pero tandaan din nating hindi lahat ng uso ay babagay sa atin. Hindi rin porke’t nais mong makisabay sa uso, babaguhin mo ang kung ano mang laman ng iyong wardrobe.

Maraming paraan upang maging in na hindi nangangailangang baguhin o bumili ng bago. Narito ang ilang style tips na maaaring isaalang-alang na hindi na kaila­ngang bumili ng bagong damit:

MAGSUOT NG SWAK NA OUTFIT SA EDAD

Sa pagpili ng damit na babagay sa iyo, importanteng isaalang-alang ang iyong edad. Marami sa atin ang mahilig magsuot ng isang outfit na hindi naman swak o angkop sa kanilang edad.

May bagets na nagmamadaling tumanda at nagsusuot ng mga strapless at kung ano-ano pa. Mayroon namang may edad na pero kung makapagsuot, akala mo bagets.

Okey lang din naman ang ganoon. Gayunpaman, siguraduhin din nating ang pipiliin nating outfit ay bagay sa atin, at kahit na papaano, swak sa ating edad at hindi tayo magmumukhang trying

MAGKAROON NG SIGNATURE STYLE

Marami sa atin ang mahilig manggaya ng outfit. Kapag nga naman hindi mo alam kung anong bagay sa iyo, madalas nating ginagawa ay nanggagaya sa mga nakikita natin—sa artista man o mga kakilala at kaibigan.

Pero hindi lahat ng outfit na nakikita nating suot ng mga artista o ka­kilala natin at kaibigan ay masasabi nating swak din sa atin o babagay rin sa atin.

Mainam nating gawin ay magha­nap tayo ng isang outfit na babagay sa atin at magbibigay sa atin ng look na kakaiba at sa iyong sa iyo lang. Iyong tipong hindi mo ginaya at ikaw mismo ang nakadiskubre. Iyong look na kapag nakita nila kahit na ang dulo pa lang ng sapatos mo o likod mo pa lang, masasabi nilang ikaw iyan.

Kumbaga, mag-isip ka ng signature style. Kung hindi mo naman mawari kung anong style ang magbibigay sa iyo ng kakaibang dating, maaari kang magtanong sa pamilya mo, gayundin sa malalapit mong kaibigan.

GUMAMIT NG JEWELRY NA MAG-ACCENTUATE SA IYONG FEATURES

Maraming accessories na nagbibigay tingkad o ganda sa ating look. Kaya naman, sa pagpili ng accessories, hindi lamang kagandahan nito ang dapat isaalang-alang, gayundin kung babagay ba ito sa iyo at makapagdudulot ba ito ng ganda sa look mo at sa features mo.

Halimbawa, ang mga mahahabang earings ay nakapagdudulot ng skinnier look ng mukha kung pabilog ang hugis ng iyong mukha.

Samantala, kung oblong naman ang mukha mo, mainam naman ang oversize stuyds na earings. Kung nais mo namang ma-achieve ang radiant look ng iyong mukha, pumili ng earings na lighter  colors.

Hindi naman kaila­ngang bumili pa tayo ng bagong damit para lang gumanda o ma-upgrade ang ating look. Ma­ging creative lang tayo, makakamit natin ang inaasam-asam nating look na patok hindi lang sa ating paningin kundi maging sa paningin ng marami.

(photo credits: brightside.me, fashiontrendwalk.com)

Comments are closed.