STYLE TIPS FOR KIDS

STYLE TIPS FOR KIDS

(Ni CT SARIGUMBA)

MARAMING mommy ang abala. Bukod nga naman kasi sa pag-aasikaso ng pamilya, nariyan ding naghahabol pa ito sa oras upang magtungo sa trabaho o opisina. Sa panahon ngayon, hin-di lamang pambahay ang mga mommy kundi kaagapay na rin ito sa pagtatrabaho ni mister.

Aminado naman tayo sa rami ng kaila­ngang gawin ng isang mommy. Kaya naman, narito ang ilang tips sa mga tsikiting nang mapanatili itong sty­list o fashionista sa kabila ng kaabalahan ng mommy:

PAGIGING KOMPORTABLE NG ISANG OUTFIT

Unang-una sa ating listahan ay ang pagi­ging komportable ng isang damit o outfit. Malikot ang mga bata. Hindi mo naman mapipigil ang pagtakbo, pag-upo at pag-akyat-akyat nila lalo na kung nasa school.

Kaya naman, napakahalaga na kompor­table ang outfit ng bawat bata o kahit na sino sa atin.

I-check ang klase ng damit at ang tela ng bibilhing damit o outfit ng inyong anak.

Iwasan naman ang damit na komplikado o mahirap suotin at hubarin.

OUTFIT NA SWAK SA PANAHON

Ikalawang timeless style tips for kids ay ang pagpili ng outfit na swak sa panahon. Kumbaga, hindi basta-basta ang pagpli ng isusuot na damit sa ating tsikiting. Hindi rin lahat ng damit ay maaari nating ipasuot sa kanya o swak sa panahon at lugar na kanyang pupuntahan.

Kung malamig ang panahon, piliin ang mga damit na may manggas. Kung sleeveless naman ang suot nila, puwede mo itong patungan ng cardigan o jacket. Kung mainit naman ang panahon, swak naman ang t-shirt at skirts o shorts.

May trends o styles na dumarating at nawawala. Pero may ilan din namang swak sa kahit na anong pa­nahon gaya na lang ng denim. Stylish din ito kaya swak kahiligan—bata man o matanda.

DAMIT NA ANGKOP SA KANILANG EDAD

Masarap bihisan ang mga bata. Pakiwari kasi natin, lahat ng klase at style ng damit ay puwede nating ipa­suot sa kanila.

Pero sa pagbibihis sa mga anak o sa pagpili ng outfit na ipasusuot sa kanila, huwag nating kaliligtaang dapat ay angkop sa kanil-ang edad ang klase at style na pi­piliin natin.

Ibig sabihin nito, iwasan ang pagpapa­suot ng mga klase at style ng damit sa mga batang medyo revealing. Halimbawa ay ang backless o strapless. Sobrang ikling shorts, dress at skirts. Higit sa lahat, mga crop top.

TANUNGIN ANG ANAK NG GUSTONG SUOTIN

Sabihin na nating bata pa lang ang ating mga anak pero may taste o ideya na sila ng gusto nila. Hindi lamang dapat ang gusto na-tin bilang magulang ang pagbabatayan natin sa pagbili ng outfit ng anak kundi ma­ging ang gusto nila.

Kaya mainam kung tatanungin natin sila kung anong klase o style ng damit ang type nila at iyon ang bilhin.

Magkakaroon din kasi ng tiwala sa sarili ang isang bata kung tinatanong natin sila sa mga gusto nila.

Hindi lamang ma­gulang ang nagdedesisyon sa isusuot ng isang bata. Kailangan din nating bigyan ng pagkakataon ang mga anak na magdesisyon sa gusto nila—gaya na lang sa isusuot na outfit.

Oo, madalas ay magkakaproblema tayo kapag hinayaan nating mamili ang ating anak ng type niyang damit. May mga pagka-kataon kasing sa school sila pupunta pero gusto nilang nakasuot ng gown.

Sa mga ganitong pagkakataon, hindi natin kailangang mainis. Mainam kung kakausapin ang anak. Sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng maayos ay maiintindihan nila kung bakit hindi puwedeng naka-suot ng gown, o kung bakit hindi puwedeng suotin ang ganito o ganyang klase ng damit.

IPASUKAT SA ANAK BAGO BILHIN

Bago pa lang magpasukan, nagdesisyon akong maghanap ng school shoes para sa apat na taong gulang kong anak. Siyempre, sinabi ko sa sales lady kung ilang taon at anong klaseng sapatos ang hinahanap ko.

Maraming ipinaki­ta sa akin, pero ang naging problema ko ay kung kakasya ba ito sa anak ko. Alam naman nating hindi lahat ng magkakasing edad ay magkakasinlaki at magkakapareho ng size ng paa. At dahil hindi ako makapagdesisyon sa bibilhin, sinabihan ko na lang ang sales­lady na sa susunod na lang ako bibili kapag kasama ang anak ko.

Buti na lang talaga at hindi ako bumili. Dahil nang dalhin ko ang anak ko sa mall at maghanap ng swak na sapatos para sa kanya, inabot kami ng siyam-siyam.

Bago siya nakapili ng type niyang sapatos na swak sa hugis at laki ng kanyang paa, maraming pares ang kanyang isinukat.

Kaya naman, para hindi masayang ang isang bagay o outfit, napakahalagang naipasukat ito sa anak bago bilhin. Importante ring komportable siya sa suot niya—damit man o sapatos.

MADALING SUOTIN AT ABOT-KAYA SA BULSA

Isa rin sa dapat na isaalang-alang sa tuwing bibili o pipili ng damit ay ang pagiging abot-kaya nito sa bulsa at madaling suotin.

Maraming damit na maganda nga pero ubos naman ang oras mo sa pagpapasuot pa lang. Iwasan ang ganitong mga klaseng damit kasi sa tagal ng pagpapa­suot, maaaring mainis ka’t uminit ang ulo mo.

Piliin ang mga klase ng outfit na madaling suotin at hubarin.

Marami tayong gustong ipasuot na damit sa ating mga anak. Pero maging maingat din tayo sa pagpili nang masiguro nating swak sa okas­yon, gayundin sa kanilang edad ang outfit na napupusuan nating ipasuot sa ating tsikiting.

Comments are closed.