STYLISH OUTFIT NGAYONG TAG-ULAN

STYLISH OUTFIT

(ni CS SALUD)

MAULAN at malamig ang paligid. Dapat ay pinag-iisipan nating mabuti ang isusuot nang hindi tayo lamigin at magkasakit. Uso pa naman ang iba’t ibang sakit kapag ganitong maya’t maya kung bumuhos ang ulan.

Pero kung araw-araw tayong lumalabas ng bahay, kung minsan ay nahihirapan tayong mag-isip kung anong outfit nga ba ang swak suotin na bagay sa naturang panahon.

Kung minsan nga, para lang mapanatiling stylist ang look ay bumibili pa tayo ng bagong outfit.

Pero hindi naman kailangang bumili pa ng mga bagong damit para lang masabing nakasusunod pa rin tayo sa uso. Puwede pa rin nating magamit ang kung anumang mayroon tayo sa ating closet. Kumbaga, maging madiskarte lang ay makaiimbento tayo ng outfit na bagay sa atin, gayundin sa panahon at sa lugar na ating pupuntahan.

Kaya’t sa mga nag-iisip ng ideya ngayong tag-ulan, narito ang ilan sa outfit na puwedeng subukan nang mapanatili ang pagiging stylish:

FUNCTIONAL HOODIE

Isa ang hoodie sa puwedeng suotin sa kahit na anong panahon. Maulan nga naman o maaraw ay swak na swak ito. Bagay rin ito sa kahit na sino. Marami ring style at kulay ng hoodie na maaari nating subukan. Functional at chic din ang hoodie.

Puwede rin itong ternuhan ng leggings o kaya naman jeans. Komportableng-komportable nga naman ang outfit na ito.

JUMPSUITS

Kahit na maulan ang paligid, hindi naman puwedeng kung ano na lang ang suotin natin. Paano pa kung may meeting o kausap tayo.

Kaya naman, sa nag-iisip ng susuotin, swak ding subukan ang jumpsuits. Magandang choice ang jumpsuit lalo na’t may mga variation ito na long at short.

Madali lamang din itong matuyo sakaling mabasa. Komportable rin ito.

COLORED RAINCOAT

Mainam din ang paggamit ng raincoat nang maprotektahan ang sarili laban sa ulan. Hindi nga naman ito nawawala—mapabata man o matanda.

At para maging buhay at maganda ang look, subukan ang colored raincoats.

CROPPED PANTS

Kung ayaw mo namang mag-jumpsuit, isa pang swak suotin ang cropped pants for a formal look. Kapag tag-ulan, importante rin kasing nakagagalaw ka ng mabilis. At para hindi mahirapan, isang mainam na outfit o kasuotan ang cropped pants.

Perfect na perfect nga naman ito kapag maulan ang paligid dahil hindi mo na kailangan pang i-fold o tupiin. Hindi lang din ito komportable kundi stylish pa.

LEOPARD PANTS

Maganda ring subukan ang mga animal prints gaya ng leopard pants. Nakagaganda rin ito ng look. Mainam na ipares dito ang handbag na bright ang kulay, shirt at ang cream coat.

TRANSPARENT SHOES

Pagdating naman sa sapatos, swak naman ang transparent shoes. Mayroon ding transparent shoes na may heels o boots. Komportable rin itong suotin at mabasa man ay hindi ka mamomroblema.

WATERPROOF MAKEUP

Hindi lang outfit ang dapat nating pag-isipan kundi maging ang ating makeup. Kaya’t siguraduhing waterproof ang gagamiting makeup nang hindi ito mag-smudge o kumalat kapag nabasa.

Huwag ding kaliligtaan ang paggamit ng sunscreen kahit na maulan.

Basta’t sa pagpili ng outfit, siguraduhing kompor­table ito.

Mainam din ang pagdaragdag ng bright colors sa iyong outfit.

Lahat naman ng outfit ay maaari nating suotin sa kahit na anong panahon basta’t komportable lang tayo. Kaya’t ano pa mang outfit ang piliin mo, siguraduhing komportable ka kapag suot ito at makaga-galaw ka ng mabuti. (photos mula sa relsimple.com, maeamor.com at pinterst.com)

Comments are closed.