SUBI REEF GINAMIT NA ‘ANCHORING HUB’ NG CHINESE SHIPS

GINAGAWANG ‘anchoring hub’ ng mga Chinese ships ang Subi Reef sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang ibinunyag ni Philippine Navy spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad nang tanungin tungkol sa patuloy na presensya ng Chinese ships sa Ayungin Shoal, Escoda Shoal, at Pag-asa Island.

 Kasunod ito ng ulat na may mahigit 80 assorted Chinese ships ang namataan sa territorial sea ng Pag-asa Island.

 “Makikita natin ang maraming pagtitipon ng mga (Chinese) Maritime Militia ay ‘yung malapit sa Pagasa sa Subi Reef at ‘yung malapit sa Ayungin na Mischief Reef sapagkat ‘yun naman ay mga enclosed haven, mga enclosed marina ‘yun so safe harbor nila ‘yun so dun ang maraming concentration ng kanilang mga Maritime Militia kasama na rin ang (People’s Liberation Army) PLA Navy at Chinese Coast Guard (CCG),” paliwanag ni Trinidad.

 Ayon sa opisyal, ang Subi Reef ay nagsisilbi ngayong terminal o parking area ng Chinese Maritime Militia (CMM).

Dagdag pa ng AFP official, may panahon na umaabot hanggang 200 Chinese Maritime Militia (CMM) vessels ang nasa paligid ng reef.

 Matatandaan na nagsagawa ang China ng mga reklamasyon sa Subi Reef mula noong 2014, kung saan kabilang sa kanilang naipatayo ay isang marine harbor.

EUNICE CELARIO