SUBOK NA MATIBAY, SUBOK NA MATATAG

SA MGA Pilipinong nakasaksi sa pag-angat ng Banco Filipino, nakatatak na sa kanilang isipan ang kanilang commercial na ipinakikita ang lakas at tibay ng bangkong ito.

Napapanood at naririnig natin sa radyo at telebisyon ang katagang, “Banco Filipino, subok na matibay, subok na matatag.” Sa katunayan, sa matinding pag-unlad ng nasabing bangko, pumasok sila sa real property development at nakapagpatayo sila ng kilala natin ngayon na BF Homes sa Parañaque at sa QC.

Bagama’t noong mga panahon na iyon, ang Banco Filipino ay talagang masasabi nating ‘subok na matibay at subok na matatag’ sa industriya ng bangko sa ating bansa. Nagsara na ang nasabing bangko. Ilang dekada na ang nakalipas at tila ang katagang ito ay nailipat na sa isang kompanya na hindi konektado sa bangko.

Ang sinasabi ko ay ang PLDT Inc. dahil kamakailan ay hinirang sila bilang ‘the most valuable brand’ sa Pilipinas sa taong 2023. Ito ay lumabas sa pag-aaral ng London-based valuation and strategy consulting firm na Brand Finance.

Ayon sa kanilang pag-aaral, nagkaroon ng 2% annual increase ang brand value ng PLDT na nagkakahalaga ng US$2.6 billion. Dahil dito, ang PLDT/Smart, na itinuturing na pinakamalaking integrated telecommunication company sa ating bansa, ay nakapag-ambag sa tinatawag na brand capturing sa industriya ng komunikasyon na nagresulta sa 45% improvement sa kanilang kinikita taon-taon.

Tinalo ng PLDT ang ibang brands ng kompanya sa telecommunications, banking, at food service. Sinabi pa ng Brand Finance na malaking bahagi sa pangyayaring ito ay ang ginagawa ng PLDT na pagtutok sa mga makabagong inobasyon sa teknolohiya at serbisyo upang tumaas ang pagtangkilik ng kanilang mga customers na nagtulak sa ating bansa sa pagiging isang financial and technology hub sa Asya.

Dagdag pa sa ulat ng Brand Finance, nagtala ang PLDT ng pinakamataas na “Sustainability Perceptions Value” kung ikukumpara sa ibang brands sa Pilipinas. Ayon sa Brand Finance, ang paggamit ng PLDT ng carbon fiber technology sa kanilang mga cell towers at pagtatayo ng mga makabago at modernong solar roof top panels ay nakatulong sa malaking pagbaba ng tinatawag na greenhouse gas emissions sa ating kapaligiran.

“PLDT greatly appreciates the latest and prestigious recognition from Brand Finance for being conferred as the Most Valuable Filipino Brand this year. This inspires us more to continue providing the vital connectivity that powers our digital economy, enabling us to help transform the country into a globally competitive and digitally-empowered nation,”ayon kay Alfredo S. Panlilio, President and CEO of PLDT at ang kanilang wireless subsidiary, Smart Communications, Inc. (Smart).

Naniniwala si Panlilio na nagbunga rin ang mga itinatag niyang programa at proyekto para sa PLDT/Smart upang mapanatili ito bilang isa sa pinakamatagumpay na korporasyon sa Pilipinas.

“This recognition clearly shows that our efforts to proactively create brand loyalty, awareness, associations, and maintaining international standard of our products and services among our stakeholders are paying off,” ani Panlilio.

Pinuri rin ng Brand Finance ang PLDT sa mga programa nila tungkol sa pangangalaga sa ating kapaligiran at kalikasan sa paggamit ng carbon fiber cell site towers, na may layon na mapababa ang carbon dioxide ng 70% sa halip na gumamit ng tradisyonal na bakal sa kanilang mga cell site towers. Ang mga carbon fiber tower ay hindi rin nakakakonsumo ng malaking espasyo ng lupain.

Bilang suporta rin ng PLDT/Smart sa ating pamahalaan sa kanilang programa ng digitalization, sinabi ni Panlilio na handa silang tumulong sa gobyerno sa pagtulay ng tinatawag na ‘digital divide’. Ito ay isang mandato ng pribadong sektor sa ilalim ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Digital Infrastructure group, kung saan si Panlilio ay kabilang sa mga founding member.

O, kita na ninyo? Kamakailan ay dumaan sa krisis ang PLDT at binatikos sa isang isyu na umano’y daang milyong piso raw ang nadispalko. Maraming sumakay sa nasabing isyu. Dumaan sa malaking pagsubok ang PLDT sa ilalim ni Al Panlilio.

Bagama’t dinanas nila ang mga ganitong paninira, matagumpay pa rin ang PLDT na naungusan ang mga hamon na ito.

At bilang patunay rito, lumabas nga ang ulat ng isang independiyenteng pag-aaral na ang PLDT ang numero uno bilang “the most valuable brand” sa Pilipinas. Kaya talagang masasabi natin na ang PLDT ay SUBOK NA MATIBAY, SUBOK NA MATATAG.