SUBSIDIYA SA FILM COMPANIES ISINUSULONG SA KONGRESO

REP SHARON GARIN

ISINUSULONG sa Kamara ang House Bill 7192 na layong buhayin at palakasin ulit ang film industry sa bansa na kabilang sa mga nalugmok ngayong panahon ng pandemya.

Ayon sa may akda ng panukala na si AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin, apektado ng pandemya ang kabuhayan ng nasa 2.8 million na mga manggagawa sa movie industry, audio-visual services, television production, at freelancers.

Nakasaad sa panukala na bibigyan ng subsidiya o pauutangin ang film companies ng Film Development Council of the Philippines (FDCP),  sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para turuan ang mga kompanya na lumipat sa online platform at magkaroon ng access sa modernong kaga­mitan at teknolohiya.

Maaari ring pautangin ng FDCP at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga apektadong film companies ng hanggang P5 million upang tulungan ang mga ito na makapag-produce ng mga proyekto.

Sinabi ni Garin na malaki ang nawala sa nasabing industriya mula nang ipasara pansamantala ang mga cinema theater sa buong bansa at pinatigil ang kanilang mga aktibidad at trabaho dulot ng health crisis.

Kung wala aniyang tulong na gagawin ang gobyerno ay tiyak na guguho ang industriyang ito. CONDE BATAC

Comments are closed.