UPANG mapunan ang pangangailangan sa pagtugon sa pandemya at kalamidad, iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na ilipat na lang dito ang ilang bahagi ng P200 bilyong subsidiya sa susunod na taon na ibibigay sa mga naluging government-owned and controlled corporations (GOCCs).
“Habang nagiging limitado ang pondo ng gobyerno dahil sa gastusin sa coronavirus pandemic, mas naging nakababahala ang sitwasyon matapos ang sunod-sunod na pagtama ng mga bagyo na nag-iwan ng malaking pinsala sa atin,” ani Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na dahil taon-taon dinadalaw ang bansa ng kalamidad, dapat na pinaghahandaan na rin ito ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa kaligtasan ng mga tao at tulungan agad silang makabangon sakali mang masanlanta ng mga kalamidad.
Aniya, bukod dito ay magpapatuloy pa rin ang mga programa kontra pandemya sa susunod na taon.
“Sira ang mga tahanan at nawala ang ari-arian ng mga kababayan nating nasalanta ng mga magkakasunod na bagyo. Lugmok na rin ang mga lokal nilang opisyal sa kawalan ng pondo para sa kanilang mga nasasakupan dahil nagastos na nila itong pang-ayuda sa mga tao magmula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic,” dagdag pa ng senador.
Sa isang budget hearing sa Senado, napag-alaman ni Gatchalian na may inilaang P201 bilyong subsidiya sa panukalang 2021 national budget para sa 118 GOCCs.
Sa nasabing pagdinig, binanggit ni Governance Commission for GOCCs (GCG) chairman Samuel Dagpin, Jr. na ang ilan sa mga naluluging GOCCs ay inirekomenda na nilang buwagin at ang isa rito ay ang PNOC Renewables Corporation (PNOC RC), isang subsidiary ng Philippine National Oil Company (PNOC), na pitong taon nang hindi kumikita.
Dagdag pa ni Dagpin, nagsumite na ang GCG ng rekomendasyon sa Office of the President noon pang Marso para tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng PNOC RC.
Sa mga sumunod na pagdinig kung saan tinalakay ang 2021 budget ng Department of Energy (DOE), nabanggit ni Gatchalian, na siyang Senate Energy Committee chairman, na hindi na niya ieendorso sa PNOC ang pagbibigay ng anumang pondo sa PNOC RC sa kadahilanang ibinigay ng GCG.
“Wala nang dahilan para iendorso ko ito lalo na’t may isang ahensiya na nagsasabi na dapat nang i-abolish ang PNOC RC,” pahayag ni Gatchalian.
“Mas mamarapatin kong irekomenda sa mga namahahala nito na simulan na ang proseso ng absorption ng mga empleyado, pati na rin siguro ang liquidation at pagsasaayos ng assets ng PNOC RC. Iyan ang aking rekomendasyon at iyan din ang aking magiging rekomendasyon sa plenaryo ng Senado,” dagdag ni Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.