HALOS dumoble ang tax perks at iba pang subsidiya na natanggap ng ospital at iba pang human health at social sector firms noong 2016, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Base sa preliminary results ng 2016 Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI) – Human Health and Social Work Activities Sector For Establishments with Total Employment of 20 and over, ang pamahalaan ay nagkaloob ng P102.6 milyong halaga ng subsidiya sa naturang mga kompanya.
Sa datos ng PSA, mas mataas ito ng 90 percent sa P54-M halaga ng subsidiya na ipinagkaloob ng gobyerno sa nasabing mga kompanya noong 2015.
“Subsidies are all special grants in the form of financial assistance or tax exemption or tax privilege given by the government to aid and develop an industry,” paliwanag ng PSA.
Noong 2016, malaking bahagi o 71.1 percent o P72.9 milyong subsidiya na ibinigay ng pamahalaan ay napunta sa hospital activities.
Ang iba pang industriya na tumanggap ng subsidiya ay ang other social work activities without accommodation, n.e.c. na may P27.49 million; residential care activities para sa mental retardation, mental health at substance abuse, gayundin ang residential care activities para sa matatanda at may kapansanan, P1.56 million; at iba pang residential care activities, n.e.c., P607,000.
Pagdating sa rehiyon, ang CALABARZON ang may pinakamalaking natanggap na subsidiya mula sa gobyerno na umabot sa P89.4 million o 87.2 percent ng kabuuan..
Ang iba pang rehiyon na tumanggap ng subsidiya ay ang SOCCSKSARGEN na may P7.99 million; Central Visayas, P2.96 million; Northern Mindanao, P1.56 million; Metro Manila o National Capital Region, P607,000; at MIMAROPA, P28,000.
Samantala, ang kinita ng sektor para sa mga establisimiyento na may TE na 20 at pataas ay umabot sa P150.7 billion noong 2016.
Ang hospital activities ang nag-ambag ng pinakamalaking kita na umabot sa P125.3 billion o 83.2 percent ng total income, kasunod ang medical at dental practice activities na may P12.3 billion o 8.2 percent.
Ang kumumpleto sa top three highest income generating industries ng sektor noong 2016 ay ang iba pang social work activities without accommodation, n.e.c., na may P10.4 billion o 6.9 percent ng kabuuan.
Ang top three regions pagdating sa income generation ay nakapagtala ng 66.3 percent ng total income. Ang NCR ang may pinakamalaking kita na umabot sa P67.1 billion o 44.5 percent ng total income, kasunod ang CALABARZON at Central Visayas na may P20.3 billion o 13.5 percent at P12.5 billion o 8.3 percent ng kabuuan, ayon sa pagkakasunod. CAI ORDINARIO
Comments are closed.