HINDI na itutuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang plano nitong magpatupad ng fare discount sa public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila.
Sa halip ay isa-subsidize na lamang nito ang operasyon ng mga naluluging ruta.
“There are routes na nalulugi sila, we can give subsidies instead of asking for discounts,” pahayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa panayam ng mga reporter sa sidelines ng isang event sa Taguig City noong Miyerkoles.
“‘Yung mga drivers na lang and operators ang bibigyan ng subsidy,” ani Bautista.
Noong Marso ay inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare discounts sa mga piling ruta sa Metro Manila na magsisimula na sana ngayong buwan.
Ang minimum na pasahe sa traditional jeepneys ay ibabalik sa P9 – ang kaparehong pamasahe bago ang pandemya – mula sa kasalukuyang P12.
Ang fare discount ay isinulong kapalit ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, na nagtapos noong December 31, 2022.