NASABAT ng Department of Trade and Industry (DTI) ang higit sa 300 kahon ng “substandard” Christmas lights nang inspeksiyunin ang isang pamilihan sa Tayuman, Manila kamakailan.
Paliwanag ng ahensiya, hindi umano ito pasok sa kanilang pamantayan.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, walang Import Commodity Clearance (ICC) stickers at Philippine Standard (PS) Mark ang mga kahon ng mga nasabing Christmas lights.
Kung wala ang isa sa mga ito, ibig sabihin ay hindi dumaan sa testing ang produkto at delikado itong gamitin, ani Castelo.
Natuklasan din ng DTI na peke ang certificate of documentation ng may-ari ng pamilihan.
Ayon pa kay Castelo, posible pang mauwi sa disgrasya ang paggamit ng ganitong mga ilaw.
Nahaharap ang may-ari ng Christmas lights at ang may-ari ng tindahan sa mga kasong kriminal, ani Castelo.