SUBSTANDARD FLAT GLASS MANUFACTURERS, IMPORTERS BINALAAN NG DTI

SUBSTANDARD FLAT GLASS

MULING binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga flat glass manufacturer at importer na sumunod sa istriktong pamantayan sa kalidad ng kanilang mga produkto.

Sa inilabas ng DTI na Department Administrative Order (DAO) nito lang Abril 6, 2019, ina­atasan nito ang pagtatakda ng Product Standard for Flat Glass sa buong bansa na naglalayong pairalin sa mga construction site ang paggamit ng mataas na uri ng salamin sa mga gusali.

Nagsanib-puwersa ang DTI at ang Bureau of Product Standard para lalo pang palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga kontraktor, importer at mga manufacturer ng mga flat glass.

Ayon kay DTI-BPS Director, Engr. James Empeno, patuloy ang paglakas ng construction sector ng bansa sa nakaraang tatlong taon kaya mas dapat maging agresibo ang ahensiya laban sa mga gumagamit ng mga substandard flat glass dahil inilalagay nito sa panganib ang mga mamamayan.

Binigyang-diin ni Empeno na ang mataas na uri ng flat glass na weather-tested ay hindi basta nababasag ng ha­ngin o anumang bagyo, lalo na kung ang mga ito ay nakakabit sa mga sky scraper o mataas na mga gusali.

Nanawagan din ang DTI sa lahat ng mga stakeholders na sumunod sa DAO upang hindi mapatigil ang anumang kons­truksiyon ng kanilang mga building dahil lang sa paggamit ng low quality flat glass.

Comments are closed.