SUBSTITUTION NG KANDIDATO HANGGANG NGAYON NA LANG

COMELEC

HANGGANG ngayong araw, Nobyembre 29, na lamang ang deadline para sa substitution ng isang kandidato ng isang political party o koalisyon, na nag-withdraw, nasawi o nadiskuwalipika sa halalan sa isang pinal na hatol.

Ito ang ipinaalala kahapon ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang social media accounts.

“Reminder, this Thursday, November 29, 2018, is the deadline for the substitution of candidates for the #NLE2019,” paabiso ng Comelec.

Hindi na  palalawigin pa ng Comelec ang naturang deadline upang mabigyan sila ng sapat na panahon para makompleto ang listahan ng mga kandidato hanggang sa Disyembre 15, 2018.

Paliwanag ng Comelec, kinakailangan din  na  maisama ang pangalan ng naturang substitute candidate sa balotang kanilang ipapaimprenta para sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019.

Gayunman, nilinaw ng Comelec na paglampas ng naturang deadline ay papayagan na lamang nila ang substitution ng kandidato, hanggang kalagitnaan ng mismong araw ng halalan, kung ito’y namatay, o kaya ay nadiskuwalipika sa isang pinal na hatol, bago ang halalan ngunit kinaikailangang ang substitute candidate ay may kaparehong apelyido sa kandidatong kanyang papalitan.

Dapat din  ay  nominado ang substitute candidate ng political party o coalition ng orihinal na kandidato.

“Beyond this date, a candidate who died or was disqualified by final judgment may be substituted by someone who bears the same surname until midday of election day,”  pahayag pa ng ahensiya. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.