SUBUKANG MAGING HEALTHY NGAYONG 2020

2020

(ni CS SALUD)

SIMULA na ng taong 2020, kaya’t simulan na rin natin ang maging healthy. Isipin natin ang ating mga sarili nang hindi tayo mamroblema sa hinaharap.

Oo, marami sa atin na laging sinasabing magpapakabuti na ako, aalagaan ang sarili at hindi gagawa ng ikasasama. Pero kadalasan, sinasabi lang natin iyon at hindi naman nagagawa.

Kaya naman, ngayong buwan pa lang, unang buwan ng taong 2020 ay sikapin o subukan na nating maging healthy kahit na sabi­hing mahirap. Ngayon na natin simulan at huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa.

At para masubukan o mapagsikapang maging healthy ngayong 2020, narito ang ilang hakbang na mainam gawin:

HEALTHY DIET AT ANG PAG-EEHERSISYO

Marahil ay naiirita o naiinis na ang marami sa atin sa paraan o hakbang na ito. Pagdating nga naman sa pagiging healthy, hindi nawawala ang pagkain ng masusustansiya gayundin ang pag-eehersisyo.

Oo nga’t paulit-ulit naman talagang sinasabi ang healthy diet at ang pag-eehersisyo nang makamit ang malusog at ma-sayang pangangatawan. Gayunpaman, sabihin mang lagi natin itong naririnig o nababasa, hindi pa rin ito pinagtutuunan ng pansin ng marami sa atin. Lagi na­ting sinasabing sa susunod na lang natin sisimu­la ang pagiging healthy o ang pagkain ng healthy at ang pag-eehersisyo. At sa kasasabi natin ng sa susunod o bukas na lang natin sisimulan, dumaraan ang maraming bukas hanggang sa patapos na ang taon ay hindi ka pa nakapagsisimula.

Kaya naman, simulan na ang pagbabago. Kumain ng healthy na pagkain at mag-ehersisyo.

Kabilang sa mga pagkaing dapat na kahiligan ay ang prutas, gulay, whole grains at nuts.

Malaki ang maitutulong upang mamuhay tayo ng Masaya at masagana kung healthy ang ating pangangatawan dahil maiiwasan natin ang mga sakit gaya ng heart disease, stroke at cancer.

Iwasan din ang pagkonsumo ng maraming asukal at asin.

Ang mga Filipino nga naman ay napakahilig sa matatamis at maaalat. Kahit na mayroon na ring lasa ang pagkain,  naghahanap pa ng sawsawan.

Kabilang din sa dapat iwasan ang sobrang asin at asukal nang ma-achieve ang malusog na pangangatawan ngayong 2020. Iwasan din ang mga bisyo hangga’t maaari.

REGULAR NA MAGPA-CHECK

Tayong mga Filipino, karamihan sa atin ay takot na takot ang magtungo sa ospital at magpa-check. Ma­rami tayong da-hilan. Una, kakulangan sa budget. Tingin kasi natin ay pagsasayang ng pera ang pagpapa-check. At imbes na maglaan ng pera para makapagpa-check,  mas pinipili nating gastusin ito sa pagkain o iba pang pangangaila­ngan ng pamilya.

Ikalawang idinadahilan natin ay ang takot na malaman ang sakit. Ayaw nating magpa-check dahil sa takot na malaman natin ang sakit na mayroon tayo.

Pero importante ang regular na pagpapatingin nang maagapan ang kung ano mang sakit na mayroon ka. Isa sa kailangang regular na pinapa-check ay ang blood pressure.

Ang high blood pressure nga naman ay silent killer.

Ilan din kasi sa mga taong mayroon nito ay hindi alam na may ga­nitong uri ng sakit dahil na rin sa kawalan ng sintomas o nararamdaman.

Kapag hindi ito naagapan, maaaring mauwi sa iba’t ibang sakit sa puso, utak at kidney.

MAKIPAG-USAP SA MAPAGKAKATIWALAANG TAO

Sakit ang dulot ng kalungkutan. Kaya naman, kung down na down ka o lungkot na lungkot ka, maghanap ng maka-kausap. Iyong mga taong mapagkakatiwalaan mo.

Isa ang depression sa matatawag nating common illness, hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.

Kung nakadarama ng kalungkutan o kawalan ng pag-asa, huma­nap ng makakausap nang maibsan ang nadarama.

MAGING MALINIS SA KATAWAN

Isa pa rin sa dapat nating isaisip ay ang pagiging malinis, hindi lamang sa sarili kundi sa paligid.

Kung napananatili nating malinis ang buo nating katawan, gayundin ang ating paligid ay maiiwasan natin ang iba’t ibang sakit na nagkalat.

Maraming paraan upang maging healthy at masaya ang ating pananatili sa mundo. Huwag nating sayangin ang pagka-kataong ito. Nasa sa iyo ang pagbabago. At gusto mong magbago, simulan mo sa sarili mo. (photos mula sa gohealthtips.com atrsu18.org)

Comments are closed.