SUBWAY SA METRO MANILA

FRANICS TOLENTINO

ARAW-ARAW na kal­baryo ng mga kababa­yan natin ang matinding trapik sa kalsada.  Ang abala at inis na dulot ng pagkaipit sa trapik ay isa ring madalas na sanhi ng mga away ng mga moto­rista.  Tanging ang isang epektibo at episyenteng sistema ng pampublikong transportasyon ang ma­kalulutas sa buhol-buhol na suliranin natin sa trapik.  Kung tunay na maaasahan ang ating pampublikong transportasyon upang maihatid ang mga mananakay sa kanilang mga patutunguhan, mababawasan ang pangangailangan ng mga mamamayan na magkaroon ng kanilang sariling sasakyan at sa gayo’y mababawasan ang dami ng motorista sa lansa­ngan.

Bagama’t naririyan na ang LRT at MRT at patuloy ang pagdaragdag ng mga flyover at alternatibong daan upang maibsan ang matinding trapik sa Kamaynilaan, tila hindi pa rin sapat ang mga ito upang masolusyunan ang tila araw-araw na bangungot ng ating mga mananakay at motorista.  Kung kaya nga ang sisimulang Metro Manila Subway ngayong Disyembre ay inaasahang makapag-bibigay solus­yon sa ating mga suliranin sa transportasyon sa mga darating na taon.

Ang Metro Manila Subway ay isang proyektong naglalayon na makapaglatag ng isang sistema ng transportasyon na magbibigay serbisyo sa mga mananakay mula sa istasyong itatayo sa Mindanao Avenue hanggang sa huling himpilan sa NAIA, at pabalik ng Mindanao Avenue.  Malaking bahagi ng imprastrukturang itatayo para sa proyektong ito ay nasa ilalim o underground at inaasahang ang mga bagon o tren ay tatakbo ng mas mabilis sa 40 kilometro kada oras na karaniwang bilis ng Manila Light Rail Transit System.

Ang disenyo ng subway ay inaasahan ding higit na matibay at kakayanin ang yanig ng isang 7.6 magnitude na lindol. Anim na tren ang nakaplanong bumiyahe sa subway, at bawat isang bagon ay makapagsasakay ng 412 pasahero.  Malaking tulong ang subway upang mabigyan ng mas maraming alternatibong sakayan ang ating mga kababayan at mas mabilis silang makapaglakbay.

Gayundin, tinitingnan ang paglalatag ng subway na ito bilang isang paraan upang maisaayos ang magkakaugnay na isyu ng ating bansa tungkol sa transportasyon, land use at maging sa ating kapaligiran.

Ang pagsisimula ng subway na ito sa Metro Manila ay pagsisimula na rin ng pagdaloy ng pag-unlad hindi lamang para sa Kalakhang Maynila kundi maging sa mga karatig-lalawigan.  Ang mas mabilis na sistema ng transportasyon ay nangangahulugan ng mas mabilis ding paglalakbay ng impormasyon, serbisyo at kagamitan na isang mahalagang elemento sa pangkalahatang pag-unlad o inclusive growth na ating pinapa­ngarap.

Comments are closed.