IPINAMALAS ni dating Asian Juniors and Girls champion Mikee Charle Suede ang kanyang galing sa endgame upang payukuin si WIM Allaney Jia Doroy at makasalo ulit sa liderato si WIM Kylen Joy Mordido matapos ang anim na rounds sa 2019 National Women’s Championship–Grand Finals sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) sa Mindanao Ave., Project 6, Quezon City.
Si Suede, na humawak ng puting piyesa, ay namayani laban kay Doroy matapos ang 75 sulong ng Modern Defense at pumantay kay Mordido sa trangko kung saan kapwa sila may natipong limang puntos sa prestihiyosong kumpetisyon na itinataguyod ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), sa pangunguna ni President/Chairman Prospero ‘Butch’ Pichay, at ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Si Mordido, na mainit na sinimulan ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng apat na dikit na panalo, ay nakuntento sa kanyang ika-2 sunod na tabla laban kay WIM Marie Antoinette San Diego matapos lamang ang 24 moves ng English opening.
Kapwa nakalalamang ng kalahating puntos sina Suede at Mordido laban kina top seed WGM Janelle Mae Frayna, WIM Jan Jodilyn Fronda at WIM Shania Mae Mendoza patungo sa huling pitong rounds.
Sina Frayna, na mangunguna sa kampanya ng bansa sa darating na SEA Games, at Fronda ay nagtabla rin matapos ang 39 moves ng London system upang manatiling kumikikig para sa labanan sa P25,000 top prize.
Ipinahayag ni tournament director GM Jayson Gonzales na nakataya sa naturang kumpetisyon ang slots para sa national team sa darating na World Chess Olympiad sa Aug. 1-15, 2020 sa Khanty-Mansiysk, Russia.
Bukod sa cash prize, mag-uuwi rin ang kampeon ng magarang tropeo. May kaukulang premyo rin ang runner-up at third placer, ayon kay GM Gonzales.
oOo
Kung naging lalaki lang ang eldest daughter ni Asi Taulava na si Ash Taulava ay carbon copy niya ito. Si Ash ay naglalaro ngayon sa women’s basketball. Ang taas ni Ash ay 6’5. Sa katawan lang ay parehong-pareho sila ng daddy niya. Hindi nga makapaniwala si Asi na mabilis kumilos ang kanyang anak sa paglalaro. Sa kasalukuyan ay tumutulong si Asi sa UP women’s basketball team bilang assistant ni coach Paul Ramos. Good luck, Ash Taulava!
oOo
Excited na si Ping Exciminiano na magsimula ang Governors’ Cup sa Sept 20. Maglalaro na si Exciminiano sa kanyang bagong team, ang Rain or Shine Elasto Painters. Sa tune up game nila kontra Phoenix ay nagpakita agad ng gilas ang dating manlalaro ng FEU Tamaraws. Mukhang maganda ang bagong team ni Ping dahil mabibigyan siya ng exposure ni coach Caloy Garcia.
oOo
PAHABOL: Nagpapasalamat po kami sa lahat – sa mga kaibigan at kamag-anak namin na nakiramay sa amin sa pagkamatay ng pamangkin ko na si Anna Marie A. Custodio. Kung saan ka man naroroon ngayon, nawa’y maligaya ka na. At least, wala ka nang nararamdamang sakit. Paalam, Mae. Hanggang sa muli nating pagkikita.
Comments are closed.