SUGAR EXPORTS SA U.S. TARGET NG PH PARA PATATAGIN ANG PRESYO, SUPLAY

REFINED SUGAR

PINAG-AARALAN ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng Department of Agriculture (DA) ang pag-export ng surplus sugar para sa crop year 2020-2021 upang patatagin ang presyo at suplay.

Sa kanyang report kay Agriculture Secretary William Dar, sinabi ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica na kinokonsidera nila ang posibilidad ng pag-export ng surplus sugar sa Estados Unidos upang samantalahin ang preferential rate ng Washington.

“We forecast that we will have excess sugar this crop year 2020-2011, which will need to be exported,” sabi ni Serafica.

“We expect to produce 2,190,190 million metric tons (MMT) of sugar for the crop year 2020-2011, higher than the previous year’s output of 2,145,693 MMT,” sabi pa ng DA-SRA chief.

Ang sugar crop year sa Filipinas ay nagsisimula ng Setyembre at nagtatapos ng Agosto ng susunod ns taon.

Nauna rito ay hiniling ng mga local sugar producer sa SRA na ibasura ang sugar exports sa pandaigdigang merkado upang matiyak na magkakaroon ang bansa ng sapat na asukal sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Gayunman, sinabi ni Serafica na ang pagmamantina ng mataas na stock inventory ay magreresulta lamang sa depressed prices, lalo na ngayon na ang sugar consumption at withdrawals mula sa mga warehouse ay bumagal.

Aniya, ang demand para sa asukal ay nabawasan dahil sa limitadong operasyon ng mga  manufacturer ng sugar-containing products, tulad ng beverage companies, gayundin ng industrial at institutional consumers gaya ng restaurants, karamihan sa kanila ay hindi pa fully operational.

“Export of domestic sugar will ease and help stabilize prices — at levels that are reasonably profitable to producers and fair to consumers,” dagdag pa niya.

Ayon kay Serafica, ang Filipinas ay may ilang taon nang hindi naglaan ng asukal sa non-US markets, ha-bang ang US ay nananatiling top destination ng local sugar dahil sa mas magandang presyo kumpara sa pandaigdigang merkado.

Comments are closed.