SUGAR PROFITEERS, DAPAT PARUSAHAN – KOKO PIMENTEL

KOKO PIMENTEL-2

HINIKAYAT ni Senate Trade and Commerce Chair Aquilino “Koko” Pimentel III ang Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng aksiyon laban sa mga wholesaler at retailer na nagpepresyo nang mahal sa asukal sa harap ng matatag na presyo sa mill gate ng mahalagang bahagi ng pagkaing ito.

“For the past several months, the mill gate prices of sugar have been holding steady at around 1,500 pesos for a 50 kilogram bag. But sugar is now retailing for 60 pesos a kilo despite assurances from the SRA (Sugar Regulatory Administration) that we have adequate stocks of sugar in our warehouses; obviously, there are efforts to artificially drive up the prices of sugar,” sabi ni Pimentel.

Ipinahayag ng mambabatas mula sa Mindanao na pinagtibay rin ng DTI ang katotohanang may mga ma­ngangalakal at retailer na nagbebenta sa asukal nang mas mataas kaysa suggested retail price (SRP) kahit malaki ang suplay ng asukal.

Naunang ipinabatid ni DTI Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo na hindi lingid sa kaalaman ng pamahalaan ang mga pagtatangkang manipulahin ang presyo ng asukal at nag-isyu na ang DTI ng Letters of Inquiry sa mga nagbebenta ng asukal nang mas mataas kaysa SRP.

Sinabi ng senador na nag-topnotcher sa Bar examination noong 1990 na dapat pang paigtingin ng DTI ang kanilang pagmo-monitor at hindi dapat magdalawang-isip na parusahan ang mga retailer na nagsasamantala sa pangangailangan ng asukal.

“Sugar is essential in every Filipino household, and government should prevent any attempt to exploit this for profit,” giit ni Pimentel. “Nararapat lamang ka­suhan ng DTI ang mga nagtutubo nang sobra na paglabag sa Republic Act 7581 o ang Price Act.”

Sa ilalim ng Section 15 ng nasabing batas, ipinaliwanag ni Pimentel na sinuman ang kumilos para ilegal na manipulahin ang presyo ng anumang pangunahing pangangailangan ng tao sa pamamagitan ng pagtutubo, pagtatago ng suplay at pakikiisa sa kartel ay papatawan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at magmumulta ng hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P2 milyon.

Comments are closed.