NUEVA ECIJA – NAI-TURN OVER na sa Provincial Jail mula sa Fort Magsaysay Army Station Hospital ang sugatang miyembro ng New People’s Army (NPA) na ngayon ay nahaharap sa iba’t ibang kaso.
Kinilala ito na si Liezel Lalu, miyembro ng Komiteng Larangang Gerilya (KLG) Sierra Madre.
Si Lalu ay nasugatan sa bakbakan sa mga tauhan ng 84th Infantry Battalion noong Nobyembre 14 sa Barangay Estrella, Rizal, Nueva Ecija.
Ayon kay Maj. Amado Gutierrez, hepe ng Division Public Affairs Office ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, bagama sugatan si Lalu nang mapalaban sa military ay tinulungan pa rin itong mapagamot.
Si Lalu at tatlong iba pa ay dinala sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Researh and Medical Cneter sa Cabanatuan City saka dinala sa military hospital ng mga militar makaraang manlaban sa tropa ng pamahalaan.
Sa ulat, si Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali ang sumagot sa pagpapagamot sa apat na rebelde.
Nang umayos ang lagay ni Lalu ay ikinulong na ito sa Nueva Ecija Provincial Jail. EUNICE C.