NATAGPUAN ng mga residente sa baybayin ng Barangay Aplaya sa Bauan sa lalawigan ng Batangas ang isang nanghihinang dolphin.
Agad na ipinagbigay-alam ng mga residente ang kanilang nakitang friendly mammal sa mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station at agarang ipinaalam sa MDRRMO na nagbigay koordinasyon sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng BFP, PNP, BFAR, PGENRO at MENRO para sa tamang pagdadalhan nito upang mabigyan ng tamang lunas.
Ayon kay Reynaldo V. Cuerdo, Fishery Regulatory Officer 1 ng BFAR, napag-alaman na mahina ang dolphin kaya’t ito ay napadpad sa dalampasigan ng Aplaya.
Ito ay may timbang na 150-200 kilograms at habang 2.7 meters.
Batay sa inisyal na pagsusuri ni Cuerdo napag-alaman na mayroong pinsala sa kanang palikpik ang nasabing dolphin.
Nagtulong-tulong ang mga nasabing ahensya para mailipat sa inflatable pool ang dolphin at mananatili sa pangangalaga ng BFAR upang maobserbahan ang kalagayan nito.
RUBEN FUENTES