NAMAMAYAGPAG ngayon ang spam, scam, at phishing text messages.
Noong una, idinadaan sa email o kaya’y sa link na ipinadadala sa Facebook messager at sa wall ng FB user.
Kahit ang National Telecommunications Commission (NTC) ay alam ito.
Kaya paulit-ulit itong nagbibigay-babala sa publiko sa pamamagitan ng text messages o SMS (Short Message Service).
Hindi na bago sa atin ang scam o spam text messages.
Waring hindi na mapigil ito sa pagpasok sa mga mobile phone ng isang pribadong indibidwal na may kung ano-anong pakulo para lamang makapanloko at makatangay ng pera mula sa napakaraming biktima.
Naku, wala talagang tigil ang mga kawatan at mga scammer sa pag-iisip kung paano makapanloloko.
Sa pamamagitan ng SMS, nakakapangulimbat sila sa iba.
Pagdating sa pera, magaling sila.
Hindi nila palalampasin ang lahat kapag nalaman nilang may pondo o pera.
Kung minsan, kahit gaano tayo kaingat, talagang may pagkakataon na nakakalimutan nating nasa paligid lang ang mga masasamang-loob at manggagantso.
Ang siste, padadalhan ka ng link at kapag na-click mo ito at nailagay mo roon ang iyong mga impormasyon ay makokompromiso na ang iyong account o bank account.
Ang ibang kakilala naman, sa email nga pinadalhan at nag-send ng link hanggang sa nakulimbat mula rito ang pera o pondo mula sa kanyang Gcash at iba pang e-wallet.
Matagal na ang mga ganitong uri ng scam.
Ang nakagugulat, nalalaman na ngayon ng mga scammer o sender ang pangalan ng pinapadalhan nila ng kung ano-anong pakulo.
Parang sirang plaka na nga ang mga mambabatas sa kanilang paulit-ulit na panawagan na imbestigahan ito at ipasa ang batas na tutugon dito.
Dati ay may modus din na hinihikayat ng mga text message na kontakin ang laman nitong numero o email add para raw sa pagkuha ng ayuda gaya ng senior pension, bayanihan allowance, tax refunds, at iba pa.
Kaya ang nangailangan o naghangad ng ayuda ay naging biktima pa.
Sa ngayon, ang dapat gawin ng publiko ay maging mapanuri.
Hindi rin dapat tantanan ng mga awtoridad ang paghabol sa mga ito.
Isinusulong na ng ilang mambabatas ang imbestigasyon sa text scams at iba pa.
Sa ganitong paraan, maaaring makabuo ng batas na akma para rito.
May ilang panukalang batas na rin na itinutulak ang ilang senador na pinaniniwalaan nilang makasasawata raw dito.
Ang ilang telecommunications company (telco) naman ay may binuong spam filters daw upang malabanan ito.
Tinatayang 784 milyong spam at scam text messages na raw ang naharang ng Globe mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Nakapag-deactivate na rin daw ito ng 14,058 mobile numbers at nakapagg-blacklist ng 8,973 na iba pa na hinihinalang ginagamit sa panloloko.
Aba’y puwede palang i-set up ang spam filter kung gumagamit ng android phone sa pamamagitan ng pag-enable ng spam protection sa settings ng telepono.
Saludo naman tayo sa lahat ng ahensiya ng gobyerno tulad ng Senado, Kongreso, National Telecommunications Commission (NTC) at iba pa sa kanilang mga hakbang at inisyatiba upang masugpo ang paglaganap ng scam at spam messages.
Subalit tulad ng iba pang bills na nakalusot na may mga “naisingit” na kahina-hinalang probisyon, dapat pag-aralan o busisiing mabuti ni PBBM ang mga panukalang batas na inihahain sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso dahil baka sa bandang huli, kung kailan nalagdaan na, ay saka pa natin nalaman ang mga butas at ilang puslit na bahagi nito.
Dapat na maging mapagmasid at mag-ingat tayong lahat.