SUICIDE NG 5 MAGSASAKA FAKE NEWS

PANGASINAN-IGINIIT ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na walang katotohanan o fake news lamang ang napabalitang pagpapatiwakal umano ng limang magsasaka sa kanilang bayan dahil umano sa mataas na presyo ng sibuyas.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng Munisipalidad ng Bayambang, Pangasinan, sinabi ni Mayor Nina Jose-Quiambao na walang insidente ng pagpapakamatay ng limang magsasaka na naganap sa nayan ng Bayambang.

“Walang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa limang magsasakang nag-suicide sa bayan ng Bayambang dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas.: ayon sa opisyal na pahayag ng Munisipalidad ng Bayambang, probinsya ng Pangasinan.

Sa inilabas na datos ng kanilang Rural Health Unit at Bayambang Municipal Police Station, walang naitalang kaso ng suicide sa taong 2023 na may kinalaman sa pagtaas ng presyo ng sibuyas, subalit may kaso ng pagpapatiwakal ng isang magsasaka subalit ito ay noon pang Enero 2021 dahil sa pananamantala ng harabas o army worms.

Gayunpaman, inatasan pa rin ng DILG ang pulisya na mag-imbestigas sa umano’y pagbibigti ng limang magsasaka.

Nilinaw din ng LGU-Bayambang na walang hina-harras na kababayan nila sa gitna ng imbestigasyon dahil kanilang prayoridad na pangalagaan ng bawat Bayambangueno.

Sinabi rin nila na maging mapanuri sa mga kumakalat na impormasyon at huwag gawing biro ang isyu ng mental health o suicide. PAUL ROLDAN