SUICIDE NG TEACHERS BUSISIIN

SUICIDE

KASABAY  ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day kahapon ay muling hinimok ni Senador Sonny Angara ang Senado na busisiin ang sunod-sunod na kaso ng suicide sa hanay ng mga guro.

Sa kanyang Senate Resolution 914 ay hini­ling ni Angara na silipin ng Mataas na Kapulungan ang mga usa­ping ito upang masiguro kung ang patong-patong na workloads ng mga teacher ang dahilan ng kanilang mga suliraning emosyonal na nagiging isa sa mga daan upang maapektuhan ang kanilang pag-iisip.

Ani Angara, mahalagang mapangalagaan ang kapakanan, kaligtasan at kalusugan ng mga guro sapagkat napakahalaga ng papel na kanilang ginagampanan sa lipunan partikular sa sektor ng edukasyon.

Sa pamamagitan lamang ng pag-aaral, ani Angara,  matutukoy kung ano-ano ang mga dahilan ng mga pagpapakamatay ng mga guro.

Nitong Hulyo, nag-suicide ang isang bagong  teacher sa La Paz, Leyte, habang isa ring guro ang nagpakamatay isang buwan makalipas sa Bacoor, Cavite.

Ayon sa kaibigan at kakilala ng mga naturang teacher, isa sa mabibigat na dahilan ng mga insidenteng ito ang napakaraming trabaho na ‘di naman konektado sa kanilang propesyon. Kabilang sa mga ito ang clerical tasks, class observations at iba pang paper works na ipinagagawa sa kanila ng pamunuan.

Samantala, sinabi naman ng Teachers’ Dignity Coalition, posibleng lalong nagpabigat sa problema ng teachers ang mga ipinatutupad na programa ng DepEd tulad ng results-based performance management system at ang araw-araw na paggawa ng lesson log at lesson plan.

Isa rin sa mga sinisilip ni Angara ang kakulangan sa registered guidance counselors o RGCs sa mga pampublikong paaralan na s’ya sanang aagapay sa kalusugang pang-kaisipan ng mga guro.

Sa ilalim ng DepEd staffing standard, binigyang-diin ng senador ang nakasaad dito na bawat 500 mag-aaral ay may nakatokang isang guidance counselor.

Inilahad din ni Angara ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Act na sumasakop sa lahat ng pampubliko at pribadong educational institutions.

“Sa kasalukuyan, hindi na sapat ang bilang ng guidance counselors natin. Kinakailangan na natin ng karagdagang 40,000 RGCs o higit pa upang masunod natin ang staffing standard ng DepEd. At elementary at high school students pa lang ‘yan,” ani Angara.  VICKY CERVALES

Comments are closed.