SUKA NA MAY SYNTHETIC ACETIC ACID TATANGGALIN NG DOH SA MERKADO

suka

AGAD tatanggalin sa pamilihan ang mga suka na mapatutunayang gumamit ng sangkap na synthetic acetic acid.

Ayon kay Health Undersecretary at Food and Drug Administration (FDA) Officer-in-Charge Eric Domingo, hinihintay na lamang nila ang certification ng mga manufacturer ng suka kung gumamit sila ng synthetic acetic acid.

Sinuman aniya ang mapatunayan na gu­mamit ng synthetic acetic acid ay agad tatanggalan ng certificate of product registration upang hindi na maibenta ang kanilang produkto.

Muli ring iginiit ni Domingo na walang epekto ang synthetic acetic acid sa kalusugan kundi sa kalidad lamang ng suka.

“Pag na-test natin at nakita na hindi siya totoong natural kundi synthetic acetic acid, tatanggalan sila ng certificate of product registration so hindi na puwedeng ibenta ‘yun. Magkakaroon ng advisory kapag nangyari po ‘yun,” pahayag ni Usec. Domingo.

Comments are closed.