Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Columbian vs Meralco
7 p.m. – Ginebra vs Blackwater
SISIMULAN ng Barangay Ginebra ang pagdepensa sa korona sa pakikipagtipan sa opening day winner Blackwater sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang sagupaan ng Gin Kings at Elite sa alas-4:30 ng hapon kung saan puntirya ng huli ang ikalawang sunod na panalo at solo lead, na susundan ng bakbakan ng opening day losers Columbian at Meralco sa alas-6:45 ng hapon.
Pinapaborang manalo ang Barangay Ginebra dahil lamang ito sa tao at sa presensiya ni balik-import Justin Brownlee na hindi man pinakamagal-ing ay isa sa maaasahang iimport at pinatunayan niya ito nang gabayan niya ang Gin Kings sa titulo sa Commissioner’s Cup noong nakaraang season.
Nakaaangat din si Ginebra coach Tim Cone laban kay rookie coach Aries Dimaunhan na ngayon lang masusubukan ang galing matapos palitan si Bong Ramos.
Si Cone ang pinakamatagumpay na coach sa liga na may mahigit sa 20 titulo, kasama ang dalawang grandslam.
Masusubukan naman ang galing ni Blackwater import Alexander Stephenson laban kay Brownlee na itinanghal na ‘Best Import’ noong nakaraang taon.
Umiskor si Stephenson 21 points at kumalawit ng 31 rebounds sa kanyang debut kontra Meralco sa opening game.
Katuwang ni Brownlee ang twin towers nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter sa depensa at pangungunahan naman nina Scottie Thompson, LA. Tenorio, Keven Ferrer, Sol Mercado at Jeff Chan ang frontline.
Walang itatapat si coach Dimaunahan kina Aguilar at Slaughter maliban kina Abu Tratter at Joseph Erobu kung taas at laki ang pag-uusapan.
Sasandal si coach Dimunahan kina Micheal Vincent DiGregorio, Rey Mark Belo, Allein Maliksi, James Cena, Roi Sumang, Gelo Alolino at rookie Paul Desiderio. CLYDE MARIANO
Comments are closed.