SUKATAN NG LAKAS (Beermen, Hotshots magsasalpukan)

beermen, hotshots

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

4:30 p.m. – Dyip vs Blackwater

7 p.m. – Magnolia vs San Miguel

ITATAYA ng triple crown-seeking San Miguel Beer ang malinis na kartada sa pakikipagtipan sa defending champion Magnolia Hotshots sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Mall of Asia Arena.

Inaasahan ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng Beermen at Hotshots sa larong nakatakda sa alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Dyip at Blackwater sa alas-4 ng hapon.

Tangan ng San Miguel ang 3-0 marka sa ikalawang puwesto sa likod ng walang larong Talk ‘N Text habang may 3-1 kartada ang Hotshots.

Kapwa determinado ang dalawang koponan na manalo upang mapalakas ang kanilang title campaign.

Pinapaboran ang SMB na magwagi dahil lamang ito sa tao maliban na lamang kung magpapabaya ito at mamaliitin ang ang kakayahan ng Magnolia.

“Beating Magnolia is not an easy task because the team is strong and capable of turning the table on their favor. We have to play heads-up game to win,” sabi ni Austria.

“I always tell my players to treat every game a championship match. Many weird things happen in basketball. You have to be extra careful and play with the same level of fire and intensity to avoid getting into trouble,” dagdag ng beteranong coach mula sa Sariaya, Quezon.

Muling masusubukan ang galing ni Dez Wells kontra kaliweteng si Romeo Travis. Ang bentahe ni Travis ay sanay ito sa local brand of play kumpara kay Wells na nag-a-adjust pa sa kanyang laro.

Muling sasandal si coach Austria sa kanyang mga gunner na sina Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter, Arwind Santos at Terrence Romeo na  aalalayan si Wells laban kina Mar Andy Barroca, Paul Lee, jio Jalalon, Rafi Reaves, Aldrech Ramos at Filipino-American Robert Herndon.

Muli namang pa­ngungunahan ni top rookie CJ Perez ang opensiba ng Columbian (2-2)  kung saan makikipagpasiklaban ang da­ting NCAA superstar kay Filipino-American Michael Vincent Digregorio sa shooting contest. CLYDE MARIANO

Comments are closed.