(Sulat ni Dormitorio ang magdidiin sa mga suspek) 6 NA KADETE MAHAHARAP SA KASONG KRIMINAL

Kadete

UMABOT na sa anim na upper classmen ng nasawing si 4th Class Cadet Darwin Dormitorio ang ihaharap sa kasong criminal ng Baguio City Police Office nang madagdag pa ang isang kadete na umano’y may direktang partisipasyon at huling nanakit sa biktima nang bumagsak ito sa kanyang kama habang pinahihirapan.

Kasunod ito ng pagkakadiskubre at pagkakalantad ng hand written letter ni Dormitorio na naglalarawan ng pagpapahirap na dinaranas nito sa kamay ng kanyang mga upper classmen.

Inilabas na ng mga pulis ang liham ni Dormitorio kung saan ikinukuwento nito  ang sinapit niyang pananakit  umano ng kanyang  ng upper-classmen.

Ang liham ay may petsang Agosto 21, 2019, halos isang buwan bago pumanaw si Dormitorio.

Sa nasabing liham, nakasaad na sinaktan siya nina 3rd class Cadets Shalimar Imperial at Felix Lumbag at isang Cadet Manalo dahil sa paggasta niya sa kaniyang allowance.

Nakasaad din sa sulat na ilang beses siyang nahulog at bumagsak sa sahig na kung saan ay galit na galit umano si  Lumbag kaya pinataas ang kaniyang kamay at ilang beses siyang sinuntok sa kaniyang katawan partikular sa rib part at naospital din si Dormitorio noong buwan ng Agosto.

Sina Imperial at Lumbag ay kapwa na-dismiss na dahil sa partisipasyon sa hazing.

Ayon sa Baguio City-PNP, si Dormitorio ay nakitang walang malay sa loob ng kanilang barracks sa Philippine Military Academy sa Fort Gregorio del Pilar sa Baguio City noong Setyembre 18 dahil umano sa epekto ng isinagawang hazing sa kanya.

“May lumabas na naman ulit na second class cadet na involved allegedly sa maltreatment na nangyari kay cadet fourth class Dormitorio,” pagkumpirma ni Cordillera police chief Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson.

“Isa siya sa mga last touch bago dalhin sa ospital [si Dormitorio]. Sa katawan, parang nag-inflict din siya ng damage,” dagdag pa ni Dickson.

Sinabi naman ni Baguio City police chief Col. Allen Rae Co, ang ikaanim na kadeteng suspek ay pinahirapan pa si Dormitorio dahil sa paghiga nito sa hindi niya kama matapos na hindi na maka­yanan ang inabot niyang pahirap sa mga upper classmen dahil sa nawawalang combat boots.

“Initially, ang lumalabas doon ay pinapatayo niya, e dahil nga masama na ang pakiramdam ni Cadet Dormitorio e hindi makatayo… Allegedly pinagsisipa po niya,” ani Co.

Batay pa sa ulat ng awtoridad, may lumantad pang dalawang witness sa krimen, at sa ngayon ay nasa 16 na ang mga ito kabilang ang 14 kadete at 2 staff ng PMA.

Gayunpaman, naniniwala si Armed Forces of the Philippines chief Lt. Gen. Noel Clement na ang hazing na nagresulta sa kamatayan ni Dormitorio at ang 3 insidente ng umano’y maltreatment laban sa 3 iba pang kadete ay isolated cases lamang. VERLIN RUIZ

Comments are closed.