NAKATAKDANG magbenta ang Department of Agriculture (DA) ng mas malusog at mas murang bigas na tinatawag na “Sulit” at “Nutri” rice sa 2025.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang dalawang opsiyon ay mabibili sa Kadiwa ng Pangulo (KNP) stores para mabenepisyuhan ang mas maraming Pilipino.
Ang “sulit” rice, na 100 percent broken subalit puti, ay ibebenta sa P35 hanggang P36 kada kilo, habang ang “nutri” rice, na hindi puti o brownish local rice, ay mabibili sa P36 hanggang P37 kada kilo.
“Pero ‘yung 100 percent broken comes from the good variety of rice, imported rice ‘yan. Pero siyempre, kung may local sources, we may buy local,” sabi ni Tiu Laurel.
“Available na siya dito sa importer and kinakain namin sa DA ngayon iyan, masarap siya, puting-puti.”
Samantala, sinabi DA chief na kinakain din niya ang nutri-type ng bigas, na, aniya, ay personal niyang gusto dahil sa health benefits nito.
“To be honest with you, sa bahay ko,‘yan ang kinakain namin kasi mas okay. Ako, diabetic ako.
When I eat it, hindi nagsa-spike ang sugar ko. Then, it’s more filling,” ani Tiu Laurel.
Hindi tulad ng karaniwang retail rice, na dumadaan sa “tatlong pass” milling process, ang nutri rice ay sumasailalim lamang sa isang pass.
“Iyong pag three pass na ‘yan, nawawala lahat ng minerals, nutrients, plus fiber, nawawala iyan. Sa one pass, lahat ng nutrients and fiber nandyan pa rin,” aniya.
Inaasahan din dito ang milling recovery na 78 percent, mas mataas sa 63 percent recovery mula sa tatlong pass milling ng palay.
Nakatakdang simulan ng DA ang pagbebenta ng “sulit rice” sa Enero at ng “nutri rice” sa kalagitnaan ng 2025. ULAT MULA SA PNA