SULIT-TIPS SA PAMAMASYAL

PAMAMASYAL-4

(ni CT SARIGUMBA)

HINDI nga naman lahat ng tayo ay mayroong pagkakataong makapag-travel. Ang ilan ay pahirapan pa makarating lamang sa ibang lugar. Ang iba naman, anytime nilang na­ising maglakbay ay nagagawa nila.

Kunsabagay, iba-iba rin kasi ang kakayahan ng marami sa atin. May ilan na walang gaanong budget kaya’t nahihirapang mag-travel. Samantalang ang iba naman, may nakalaang pera para masilip ang nagga­gandahang lugar hindi lamang sa bansa kundi sa mga karatig nito.

Isa nga naman sa pangarap ng marami sa atin ay ang makarating sa iba’t ibang lugar. Ang iba ay todo ang ginagawang pag-iipon maabot lamang o magawa lamang ang pangarap na kanilang inaasam-asam.

Kunsabagay, napakarami nga rin namang paraan upang matupad natin ang dream na­ting makatuntong sa iba’t ibang lugar sa mundo. At kung isa ka sa nagkaroon ng pagkakataong maglibot-libot at masilayan ang kagandahan ng mundo, importanteng masulit mo ang gagawin mong pamamasyal. Kaya naman, baunin sa gagawing pamamasyal ang ilang tips na ibabahagi naming sa inyo nang masulit ito.

PUNTAHAN ANG LUGAR NA PINAPANGARAP

May mga lugar tayong pinapangarap nating marating o mapuntahan. May mga listahan tayo sa ating isipan kung ano-ano nga ba ang mga lugar na plano nating masilayan.

May ilan sa atin na kung ano iyong available na lugar o kung saang lugar pasok ang budget nila, doon nagtutungo.

Oo, may ilan naman talagang kung saan ang mura, doon pupunta. Pero para mas masulit ang paglalakbay at ma-enjoy ito, mas mainam kung ang pupuntahang lugar ay ang talagang gusto mo.

Okay, sabihin na nating ang nais mong puntahang lugar ay mas mahal kaya’t nagdesisyon kang pumunta na lang sa mas mura para lang sabihing nakapamasyal ka. Oo nga’t nakarating ka sa ibang lugar pero sigurado ka bang na-enjoy mo ito?

Importanteng nag-e-enjoy ka sa pupuntahan mong lugar nang masulit mo ang iyong gagawing papamasyal. Kaya naman, sa pagdedesisyon ng lugar na darayuhin, ilista kaagad sa unahan ang lugar na pinapangarap at pagsikapan iyong marating.

ISAMA ANG PAMILYA SA PAMAMASYAL

Mas sulit din ang bakasyon kung kasama natin ang ating mga mahal sa buhay. Kaya naman, kung nagpaplano kang magtungo sa iba’t ibang lugar ay isama na ang iyong mahal sa buhay.

Makapagba-bonding na kayo, mai-enjoy at masusulit pa ninyo ang inyong bakas­yon.

Kung hindi naman puwede ang pamilya, mainam ding magsama ng mga kaibigan at katrabaho.

Mas sulit din kasi ang pamamasyal kung mayroon kang kasama.

GAWIN ANG MGA BAGAY NA MAKAPAGPAPALIGAYA SA IYO

Huwag din tayong matakot na sumubok ng mga bagay na bago ngunit alam nating makapagdudulot ito ng ligaya sa ating puso.

Kumbaga, subukan natin ang mga bagay na kakaiba. Ha­limbawa na lang ay nagtungo ka sa ibang bansa, unahin mong puntahan ang mga lugar na magaganda o binabalik-balikan ng turista. Huwag ka ring matakot na tikman ang mga pagkaing ipinagmamalaki nang nasabing bansa sabihin mang nag-aala­ngan ka.

Mas masusulit mo rin kasi ang pagtungo sa isang lugar kung magagawa mo ang mga bagay na kakaiba. May maibabahagi ka rin sa kapamilya mo at kaibigan sa kung anong mga activity o pagkain ang puwedeng gawin at kahiligan sa pinuntahang lugar.

MAG-ENJOY AT MAGLIBOT

Marami sa atin na kapag nakarating sa isang lugar, imbes na ang mamasyal at mag-enjoy ay mas pinipiling matulog o magpahinga. Kumbaga, hindi na lumalabas ng hotel.

Hindi mo masusulit ang iyong pamamasyal kung mananatili ka lang sa hotel o kuwarto. Makatutulong kung mamamasyal ka at maglilibot-libot nang hindi masa­yang ang pagtungo roon o ang ginawang pagta-travel.

HUWAG KALILIMUTANG MAGPAKUHA NG LITRATO

Sa panahon nga naman ngayon, masyado nang mahilig sa gadget ang marami sa atin. Hindi na nga nakaaalis ng walang dalang smartphone. Pero may ilan din namang hindi mahilig magpakuha ng litrato.

Magiging sulit na sulit ang gagawing pamamasyal kung nakukuhanan mo ng litrato ang mga magagandang lugar na iyong narating. Hindi naman masama ang magpalitrato dahil magiging remembrance mo ito sa lugar na iyong nara­ting.  Mag-enjoy tayo habang may panahon at pagkakataon. At bawat pamamasyal din natin, gawin nating sulit. (photos mula sa societyone.com.au, tripsavvy.com)

Comments are closed.