SULTAN KUDARAT FARMERS PINALAKAS

NAGKALOOB kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Sultan Kudarat ng mahigit P500,000 halaga ng suporta sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Lay Minister Farmers Consumers Cooperative (LAMFACCO) ng Barangay Poblacion, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.

Ang mga suportang ito, na bahagi ng Village Level Farm-focused Enterprise Development Project ng DAR, ay binubuo ng mga materyales sa pagsasanay sa Food Safety and Good Manufacturing Practices for Coffee, na nagkakahalaga ng Php 42,000.00, at isang inayos na processing facility na nagkakahalaga ng P498,513.00, ay naglalayong mapagbuti ang kabuhayan ng mga ARB.

Ayon kay Chief Agrarian Reform Program Officer Rhea Marie P Betque ito ay pangako ng DAR upang matulungan ang LAMFACCO sa pagpapanatili ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng kompetitibong produkto ng mga ARB sa merkado at pag-aalok ng mga pagsasanay upang mapahusay ang kanilang mga kakayahan at mapalawak ang kanilang mga kaalaman sa pagsasaka at pagbebenta ng kanilang mga produkto.

“Ang nasabing proyekto ay may layuning paunlarin ang rural enterprise development at magbigay ng mas tumutugon at nakatutok na interbensyon para sa mga ARBs atARB organizations,” aniya.

Nagpasalamat naman si Arnold O. Abayon, chairman ng LAMFAMCCO, sa patuloy na suporta at pag-alalay ng DAR sa kanila.

“Salamat sa DAR sa walang katapusang suporta at alalay. Malaki ang tulong ito sa pagpapaunlad sa aming samahan.

Asahan ninyo na gagawin namin ang lahat upang umasenso at maging progresibo ang aming organisasyon,” aniya.

Idinagdag din ni Abayon na ito ay patunay ng DAR sa kanilang patuloy na pagsusumikap upang suportahan at paunlarin ang mga negosyo sa kanayunan, na tinitiyak na ang mga magsasaka ay makatatanggap ng mga inisyatibong kinakailangan upang sila ay umunlad sa kanilang mga gawaing pang-agrikultura. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA