SULTAN KUDARAT, SA MANLULUPIG DI KA PASISIIL

SI Sultan Muhammad Dipatuan Qudra­tullah Nasiruddin o Muhammad Dipatuan Kudarat (1581–1671) ay ang ika-7 Sultan ng Sultanate of Maguin­danao. Mas kilala siya sa tawag na Sultan Kudarat.

Noong panahon ng kanyang pamumuno, hindi naigupo ng mga Kastila ang kanilang hukbo sa lahat ng pagtatangkang sakupin ang kanyang lupain. Nahadlangan din nila ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Min­danao.

Mula siya sa angkan ni Shariff Kabungsuwan, isang misyonaryong Muslim na nagdala ng Islam sa Pilipinas sa pagitan ng ika-13 at ika-14 na siglo. Isinunod sa pangalan niya ang probinsya ng Sultan Kudarat pati na ang bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao, kung saan ang kaapu-apuhan ng mga Datu at pinuno ang mga kasalukuyang pinunong pampolitika.

Sa ilalim ng pagkapangulo ni Ferdinand Marcos, naging pambansang bayani si Sultan Kudarat.

Itinuring siya ng mga Kastila na napakalaking hadlang sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Mindanao. Matalino at matapang, nahirapan ang mga invaders kay Sultan Kudarat. Buo rin ang tiwala ng kanyang mga nasasakupan kaya isa ma’y walang nagkanulo sa kanya.

Pinamunuan ni Sultan Kudarat ang Sultanate of Naguindanao mula 1619 hanggang 1671.

Isinilang siya noong huling dekada ng ika-16 na siglo. Anak siya ni Datu Buisan, isang Iranun at Ambang. Ang Dipatuan sa kanyang pangalan ay hango sa salitang Malay na ang ibig sabihin ay “pinuno”, at ang Kudarat ay salitang Arabe para sa “lakas”.

Iginalang siya maging ang mga hindi niya nasasakupan. Napagkaisa niya ang kalinangan sa Lanao, Cotabato, Davao at Zamboanga. Nagkaisa sila sa pagtutol sa pananakop ng mga Kastila.

Noong 1637, nagpadala si Gobernador Heneral Sebastian Hurtado de Corcuero ng hukbo upang sakupin ang lupain ng Kudarat. Napabagsak ng mga kaaway ang kanyang mga kuta sa Lamitan, ngunit nakatakas siya. Nag-ipon at nagpalakas ng puwersa si Kudarat sa kabundukan upang muling lumaban.

Hindi kailanman nadakip ng mga kaaway si Kudarat hanggang sa namatay siya noong 1671.

Humalili sa pagkasultan ang kanyang anak na si Datu Dundang Tiidulay, na nakilala sa titulong self-ud-Din. Bilang pagkilala kay Sultan Kudarat, isang bantayog ang ipinatayo sa Makati City. Isang lalawigan at isang bayan ang isinunod sa pangalan niya. LEANNE SPHERE