SULYAP SA MAKASAYSAYANG GUSALI

HINDI maitatanggi na noong dekada ’70, usong-uso ang pagbabasa ng mga estudyante sa high school ng diyaryo.

Sila ay pinaliliham ng mga panahong iyon sa mga awtor at editor ng mga pahayagan.

Ang tawag doon ay ‘snail mail’ kung saan ilang araw pa bago dumating ang sulat sa addressee at sa mga estudyanteng nagpadala.

Para ganahang sumagot at tumaas ang grado, dapat may ‘dating’ ang liham ng mga bata.

Ang mga kolumnista noong araw, madalas ngang nakakatanggap ng mga sulat mula sa mga mag-aaral sa private at public schools.

Hanggang sa sumapit ang dekada ’90 at napalitan na ng fax at email ang koreo.

Nang sumampa ang 2000 at hanggang ngayon, lalong bumabagsak ang koreo kaya’t kakaunti na lang ang mga nagpapadala sa Manila Central Post Office o Punong Tanggapan ng Koreo.

Naging modern o high tech na ang lahat at idinadaan na lang sa mobile phones, email at chat ang mga mensahe.

Halos sa mobile text o Facebook na nagsusulatan ang mga tao.

Pina-follow ng mga mag-aaral ang mga hinahangaan nilang tao sa Twitter, FB, Tiktok, Youtube, Kumu at iba pa.

Ang dating ginagawa ng mga estudyante noon ay hindi na ginagawa ng mga bata ngayon.

Ito raw marahil ang dahilan kaya pumupurol ang mga bata sa pagbasa at pagsulat.

Samantala, ang mga tanggapan na lang daw yata ng pamahalaan ang nagpapadala sa post office.

Hanggang sa tila tuluyan nang bumagsak ang koreo nang masunog ang malaking bahagi ng gusali ng post office na nag-umpisa lang daw sa basement nitong Lunes ng madaling araw, Mayo 22.

Ikinokonsiderang ‘grandiest building’ sa Maynila ang post office na noong 1920s pa itinayo at nawasak dulot ng World Ward II hanggang sa muli itong itinayo noong 1946.

Nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy at umabot ito sa general alarm na nangangahulugang kailangang rumesponde ng lahat ng available na fire trucks para patayin ang apoy.

Pito katao ang iniulat na nasugatan sa sunog habang aabot sa P300 milyon ang napinsala sa insidente.

Unang sumiklab daw ang apoy sa basement ng soutside ng gusali kung saan naroroon ang maintenance room at storage room at nakaimbak ang mga papel at wood materials.

Ang mga sulat, parcels at ang buong stamp collection ang nadamay sa sunog habang apektado rin daw ang ilang Philippine National IDs (PhilsIDs) na nakatakda na sanang i-deliver sa Maynila.

Sa pagkasunog ng makasaysayang post office na itinatag noon pang 1926, huwag nating hayaan na maglahong parang bula ang mga aral ng nakaraan o kasaysayan.

Tulungan natin ang mga bata.

Hikayatin nating magbasa ng kasaysayan at panitikan.

Huwag nating iasa sa mga guro ang lahat, dapat pati ang mga magulang ay tumutulong din sa pagtuturo sa mga estudyante, at maging ang buong lipunan.