Sumabay sa AI

MAY sapat na dahilan kung bakit takot ang karamihan sa AI o artificial intelligence.

Ayon mismo sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), nasa 1.1 bilyong trabaho ay apektado ng teknolohiya sa susunod na sampung taon. Ayon sa isang ulat mula sa World Economic Forum, nasa 43% ng ating gawain sa mundo ng paggawa ay magiging otomatiko pagdating ng taong 2027.

Dahil sa mga bagay na ito, madaling maunawaan kung bakit napakahalagang mamunuhan ang bawat manggagawa sa pag-upskill at reskill habang may panahon pa.

Mainam ding itanong kung gumagastos ba nang sapat at kumikilos nang sapat ang ating pamahalaan upang isulong ang tinatawag na adult learning at future-ready education. Alam nating kung hindi tayo handa, apektado ang ating GDP. Kung ipagpapatuloy natin ang paggamit sa mga lumang sistema ng edukasyon at pagkatuto, ang ating mga manggagawa ay hindi makakakuha ng mga hanapbuhay sa mga darating na taon. Hindi lamang ang kabuhayan ng bawat indibidwal ang apektado, kundi pati ang ekonomiya ng ating bansa.

Sa ibang lugar, matindi ang paghahanda. Halimbawa, isang grupo ng 350 organisasyon ay nagtutulong-tulong sa ilalim ng reskilling program ng WE Forum upang masigurong matatanggap ng 1 bilyong tao ang mas mabuting edukasyon, kakayahan, at oportunidad upang kumita pagdating ng 2030. Noon pa sinimulan ito, bago pa nagsimula ang pandemya taong 2020. Malaking aksiyon ito na ginagawa ng 64 CEOs, 32 ministers mula sa 16bansa, at mga organisasyong gaya ng Coursera, Infosys, The Lego Foundation, LinkedIn, UNICEF, at ilang daan pang mga grupo.
(Itutuloy)