Sumabay sa AI

(Pagpapatuloy)
ITO ay tinatawag na isang Reskilling Revolution na isinusulong ng iba’t ibang miyembro mula sa mga malalaking negosyo, mga chief learning officers, online learning providers, labor unions, NGOs, education practitioners, at mga organisasyon pilantropo.

Magiging mabuti para sa ating lokal na industriya ng paggawa kung kasama tayo sa mga ganitong pagkilos at kung ang ating mga pampubliko at pribadong institusyon ay gumagawa ng katulad na mga oportunidad upang mapabilis ang reskilling at upskilling ng ating mga manggagawa.

Malaki ang kailangan pang habulin at labis na nakalulungkot kung isang umaga ay magigising na lamang tayo at magugulat na tayo ay napag-iwanan na. Ang pakikipag-collaborate sa iba’t ibang bansa ay makapagbibigay rin ng mainam na oportunidad upang makapagbahagi ng mga ideya at pinakamabuting hakbang o gawi (best practices).

Ang mga istratehiya sa pagtuturo at pagkatuto ay kinakailangan ding repasuhin upang maisama ang mga pagbabagong magsusulong ng future-ready education. Puwede tayong magsimula sa pag-alam kung ano ang kulang natin at ang pagtanggap sa katotohonang may kulang nga.

May resulta ng pag-aaral na nagpapakitang ang pamumuhunan sa reskilling at upskilling ng mga manggagawa ay maaaring magpataas sa GDP ng isang bansa ng $6.5 trilyon sa taong 2030, at ang pamumuhunan naman sa future-ready education ng kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral ay maaaring magdagdag din ng $2.54 trilyon hanggang sa taong 2030.

Kagaya ng mga nasabi na ng marami, narito na ang AI kaya imbes na katakutan ito, makisabay tayo at samantalahin ang teknolohiya. Siguraduhin nating handa tayo at may kakayahan tayong umunlad na kasabay nito.