SUMABOG NA TANGKE NG TUBIG SA SJDM CITY MAPAPALITAN NA

tangke ng tubig

ASAHANG muling babalik ang maayos na suplay ng tubig sa libo-libong residente sa San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan makaraan ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa konstruksiyon ng bagong water reservoir facilities sa Barangay Muzon bilang kapalit ng sumabog na tangke ng tubig sa lugar noong nakaraang taon.

Ayon kay Ron Soriano, pinuno ng City Information Office ng San Jose del Monte City Hall, ang itatayong bagong tangke ng tubig ay binubuo ng 1,000 cubic meter tank at 1,000 cubic meter ground steel reservoir na kompleto sa perimeter fence at lalagyan ng security personnel.

Nabatid na ang bagong pasilidad ng tubig na magpapabalik sa maayos na suplay ng potable water sa Barangay Muzon at kalapit-lugar ay itatayo sa Carriedo Street at kumpirmadong magiging matibay ito at matatag ang pagkakadisenyo para hindi na maulit ang pagsabog ng tangke ng tubig noong nakaraang taon.

Magugunitang noong nakaraang Oktubre 6, 2017 ay aksidenteng sumabog ang water tank ng San Jose del Monte City sa nasabing lugar at kumitil ito ng apat na katao,41 ang nasugatan at milyong pisong halaga ng ari-arian ang nasira dahil sa malakas na pagsambulat.

Tinatayang aabot sa 2,000 cubic meters ng tubig ang sumambulat sa mga nakapaligid na kabahayan at mga residente sa lugar at dahil sa malakas na impact ng pagsabog ay nasawi ang apat na katao matapos madaganan ng mga gumuhong kabahayan at pader sa lugar.

Nakumpirmang nagsagawa ng imbestigasyon ang binuong Task Force ni Ma­yor Arthur Robes ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din makumpirma ang dahilan ng pagsabog ng tangke ng tubig ngunit sinagot lahat ng pamahalaang-lungsod ang gastos ng mga nasawing biktima gayundin ang mga nasugatan sa insidente.

Ikinasiya naman ng mga residente sa nasabing lugar ang pagpapatayo ng bagong water tank dahil muli na naman silang mabibiyayaan ng maayos na suplay ng tubig. A. BORLONGAN

Comments are closed.