BATANGAS – AGAD na sisiyasatin ng Philippine Coast Guard, MARINA at maging ng DENR ang pagsadsad ng isang foreign oil tanker sa pantalan ng lalawigang ito na pinangangambahang lumikha ng dambuhalang oil spill sa karagatang sakop nito.
Sa ulat sumadsad sa Batangas Pier ang isang domestic cargo vessel at ang nasabing oil tanker kahapon ng umaga sa kasagsagan ng pananalasa ni Kristine na dahilan para mawasak ang bahagi ng nasabing pantalan.
Dahil sa lakas ng alon at hangin dulot ni Kristine ay sumadsad sa pier ng Batangas ang dalawang barko, ayon sa ibinahaging ulat ni Batangas port manager Joselito Sinocruz.
Sinasabing ang sumadsad na foreign fuel tanker ay nahuli ng Bureau of Customs kamakailan.
Ayon kay Sinocruz, kahit walang bagyo ay ipinagbabawal ang fuel tanker sa Batangas port dahil sa dala nitong dangerous goods.
Nasira umano ang pantalan dahil sa paghampas ng naturang fuel tanker at nangangamoy fuel na rin umano sa bisinidad ng Batangas Port kaya nanawagan ang pamunuan ng pantalan na magawan agad ito ng paraan.
Napag-alaman na sinubukan na itong itulak o hatakin ng isang barge subalit nabigo rin dahil sa sobrang sama ng panahon.
Tinututukan na ng mga opisyal ang posibleng pagtama ng barko sa passenger terminal building sa pantalan.
“Lumampas na ng rampa ‘yung ating level ng tubig, Umabot ng hagdan ng passenger terminal,” ani Sinocruz.
Pinaghahanp naman ang kapitan ng domestic cargo vessel na nalagutan ng angkla habang nasa pantalan ng Batangas.
Namataan umano na may ilang tripulante ang lumundag mula sa barko subalit hindi nila Makita ang kapitan nito.
Samantala, mayroong mahigit 200 pasahero ang istranded ngayon sa Batangas port dahil sa bagyong Kristine.
VERLIN RUIZ