LONG-TERM SOLUTION SA WATER CRISIS

sumag river

KAKAUSAPIN na ni House Mino­rity Leader Danilo Suarez si ­Pangulong Rodrigo  Duterte para maituloy na ang Sumag River Diversion Project na magsusuplay ng tubig sa Angat dam.

Ayon kay Suarez, ito ang nakikitang pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

Ang naturang proyekto na nagkokonekta sa Umiray-Angat Transbasin Tunnel ay sinuspinde ang ­konstruksiyon noong 2016 matapos na magkaroon ng aksidente at masawi ang anim na manggagawa rito.

Paliwanag ni Suarez, napapanahon na para muling buksan at simulan ang nasabing proyekto dahil sa nakaambang water crisis sa mga susunod pang taon lalo pa at 70 porsiyento na ang natatapos dito.

Aniya, ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng P1 bilyon ay kayang pondohan ng provincial government ng Quezon at maaaring matapos sa loob ng isa’t kalahating taon.

Dagdag pa ng ­kongresista, aabot sa 1.8 million liters a day ang maaaring makuhang tubig mula rito. CONDE BATAC

Comments are closed.