BUKING ang naging style ng mga human traffickers makaraang mahuli ang isang babaeng biktima nito na isinakay pa sa wheel chair upang lumusot sa mahigpit na inspeksyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) – Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) sa NAIA ang hindi pinangalanang biktima alinsunod sa batas ng anti-trafficking, makaraang tinangkang sumakay ng Philippine Airlines flight patungong Thailand.
Pero sa secondary inspection, napuna ng mga opisyal ang paiba-iba nitong salaysay pero sa bandang huli ay inamin niyang ni-recruit siya upang magtrabaho bilang katulong sa Lebanon.
Inamin nito na sinabihan siya ng kanyang recruiter na may masakit sa kanyang katawan upang makagamit siya ng wheel chair. Inamin din nito na burahin lahat ng pinag-usapan nila ng kanyang recruiter sa kanyang cellphone.
Ayon pa sa biktima, nangako ang kanyang recruiter na kung hindi maaprub ang kanyang visa sa Lebanon, dadalhin siya sa Hongkong upang hanapan ng ibang trabaho.
Muling nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco hinggil sa mga illegal recruiters at human traffickers.
“These traffickers will go to great lengths to convince prospective workers to leave illegally because they earn a lot from their recruitment,” ayon kay Tansingco. “But once the workers encounter distress, they will disappear,” dagdag pa nito.
Ang biktima ay nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at imbestigasyon laban sa kanyang recruiter.
PAUL ROLDAN