(Sumalubong sa Pebrero) TAAS-PRESYO SA LPG

MAY dagdag-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) ngayong buwan.

Sa abiso ng Petron, ang household LPG ay tataas ng P0.95 per kilogram, simula alas-12 ng umaga ng Pebrero 1.

Katumbas ito ng mahigit P10 pagtaas sa presyo ng isang 11-kilogram LPG cylinder.

This reflects the international contract price of LPG for the month of February,” ayon sa Petron.

Inanunsiyo rin ng Solane ang P0.91 per kilogram na pagtaas sa LPG nito.  Katumbas ito ng P10 hike para sa isang 11-kilogram LPG tank.

Epektibo ang taas-presyo sa alas-8 ng umaga ng Pebrero 1.

Ito na ang ikalawang sunod na buwan na may pagtaas sa presyo ng LPG ngayong taon.

Nauna nang sinabi ni Arnel Ty, presidente ng LPG seller Republic Gas Corporation o Regasco, na inaasahan na ang price hike dahil sa mas mataas na shipping costs bunga ng political tensions sa  Red Sea.

Ayon kay Ty, nag-abiso na ang mga shipping firm sa mga customer sa Pilipinas ng dagdag na $60 per metric ton.