SUMAMO NG ISANG OFW

MASAlamin

NAGSUSUMAMO ang isang overseas Filipino worker sa atin upang maantig naman ang puso ng mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa kanyang taxi na na-impound dahil ibinyahe ng kanyang  driver sa labas ng ruta nito.

Si Ma’am Paz ay nakikiusap sa ating mga opisyal ng LTFRB na bigyan naman siya ng konsiderasyon, tutal tinatawag naman daw natin siyang Bagong Bayani. Ang kuwento ni Ma’am Paz ay tunay namang punong-puno ng kabayanihan. Bumili siya ng isang taxi upang makatuwang  sana niya sa pagbuhay sa kanyang mga mahal sa buhay  habang siya naman ay naninilbihan sa ibang bansa.

Ang salaping ipinambili niya ay ilang taon din niyang binuno sa ibayong dagat, matinding saksripisyo na malayo sa kanyang pamilya at magpaka-alipin sa mga banyaga. Ngunit hindi niya inalintana ito para lamang mabuhay ang kanyang mga mahal sa buhay.

Pagkabili niya sa nasabing second-hand taxi, siya ay puno ng pag-asang kahit papaano ay gagaan ang kanyang pasan-pasan na responsibilidad, ngunit ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay nahuli ang driver ng kanyang taxi na kumuha ng mga pasahero sa Lalawigan ng Bulacan noong Hul­yo 26, 2018 at tinikitan ng “out-of-line.” In-impound ng LTFRB ang kanyang taxi sa Pampanga. Hindi na rin nagpakita sa mga kaanak ng kawawang OFW ang driver ng taxi na siya namang may kasalanan kaya na-impound ang sasakyan.

Willing naman si Ma’am Paz na bayaran ang lahat ng penalties kahit pa nga ang lahat ay kasalanan ng drayber ng taxi na kumuha ng pasahero labas sa ruta na pinapayagan sa prangkisa ng taxi. Ngunit mula Hulyo 2018 ay naghihintay si Ma’am Paz ng summons mula sa LTFRB ngunit walang dumarating hanggang noong Oktubre 25, 2018 napag-alaman na may Order na pala kung saan pinagbabayad sina Ma’am Paz ng P120,000, at ang masakit pa nito, bukod sa imposibleng multa ay isinasaad sa Order ang revocation ng rehistro ng taxi at blacklisting ng sasakyan na magamit pa bilang public utility vehicle, at revocation din ng Certificate of Public Convenience ng kanyang taxi.

Paano na ang pa­ngarap ni Ma’am Paz na makatuwang ang taxi sa kanyang pagbuhay sa kanyang mga mahal sa buhay?

Agad ay pinatulungan ko sa isang kaibigang abogado ang kaso ng taxi ni Ma’am Paz, na inapela naman ang desisyon ng LTFRB ukol sa taxi niya na may prangkisa naman at hindi kolorum, ni hindi naman din nakadisgrasya.

Kaya ako na ang nakikiusap kay sir LTFRB Chairman Martin Delgra III, Board Member Ronaldo Corpuz, at Atty. Samuel A. Jardin na siyang executive director at officer-in-charge ng legal department ng LTFRB, paki-release na po ang taxi ni Ma’am Paz. Babayaran po niya ang penalties at hindi na siya kukuha ng gagong driver magpakailanman.

Comments are closed.