SUMASAKAY SA ISYU NG ‘STAIRWAY TO HEAVEN’

Magkape Muna Tayo Ulit

SA TOTOO lang, ang isyu tungkol sa pagpuna sa isang tawiran na ginawa ng MMDA sa may GMA-Kamu­ning station sa EDSA ay isang bagay na hindi na kailangang palakihin pa. Binansagan ito, kuno, na ‘Stairway to Heaven’ na inihambing sa isang rock song na sikat noong 1970s. Ang tawiran daw na ginawa ng MMDA ay napakatarik na parang hagdanan patungong langit. Ang tanong ko, ganoon ba talaga katarik ang nasabing footbridge?

Nakita ko ang ilan sa mga komento sa YouTube tungkol sa isyu na ito matapos na ibalita sa TV Patrol. Karamihan sa kanila ay ipinagtatanggol ang MMDA sa ginawa nilang footbridge. Ang pangunahing pakay kasi rito ay upang bigyan ng alternatibong tawiran sa peligrosong EDSA upang hindi sila masagasaan ng mga rumaragasang sasakyan. Marami naman ang nakasubok sa nasabing footbridge at hindi naman sila umaa­ngal. May nagsasabi rin na ang mga bumabatikos dito ay hindi naman yata tumatawid doon o kaya ay hindi nakararanas na mamasahe sa pampublikong transportasyon.

Pasok naman ngayon ang Kongreso. Sumakay sa isyu ng ‘stairway to heaven’ si Rep. Cesar Sarmiento, chairman ng House committee on transportation.  Humi­ngi siya ng lahat ng mga plano ng mga footbridge sa ilalim ng MMDA. Ha?! Bakit? May nasaktan bang commuter dahil dito? May inatake ba sa puso na gumamit ng nasabing footbridge? May nalaglag ba o may nakitang kahinaan sa disenyo ng footbridge na maaa­ring gumuho ito?

Ang hirap kasi sa ilan sa ating mambabatas, sumasakay agad sa mga isyu imbes na pagtuunan ang mas marami pang problem sa ating pampublikong transportasyon. Ang nasabing footbridge ay ginawan lamang ng paraan upang magkaroon ng tawiran ang mga mananakay sa nasabing lugar. Nag-adjust lamang ang MMDA dahil nandoon na ang MRT-3 bago ang footbridge. Talagang tataas nga kaunti ng tawiran upang hindi makasagabal sa linya ng koryente ng MRT3.

Ngayon, kapag lahat ng mga footbridge na ginawa ng MMDA ay parehas ng disenyo roon sa may GMA-Kamuning station, ako mismo ang babatikos. Ang mahirap kay Sarmiento ay tila pinaparehas niya ang di­senyo ng tinatawg nilang ‘stairway to heav-en’ sa lahat ng footbridge sa ila­lim ng MMDA. Haller? Nakikita naman natin na tunay na kakaiba ang nasabing footbridge dahil nasa kakaibang lugar din ito. Subalit kinakailangan na magawan ng remedyo ito upang makaiwas ng disgrasya sa mga tumatawid sa nasabing lugar.

Nagpatawag pa ng pagdinig si Sarmiento sa susunod na linggo. Ha? Kung sinasabi niya na ang nasabing footbridge ay aksaya ng ating binabayad na buwis, sa palagay ko ay mas maraming masasayang sa ibinabayad nating buwis sa mga pagdinig sa Kongreso na wala namang katuturan. Hindi na kailangan ng pagdinig sa isyung ito. Simpleng pag-ayos ng disenyo sa naturang footbridge ang kailangan…tapos na ang isyung ito. Pumayag na ang MMDA na aayusin nila. Ano pa ba ang kailangang dinggin sa Kongreso? Sana naman ay pumili ang ating mga magagaling at matatalinong mambabatas ng mga isyu na dapat sakyan at hindi ‘yung makikita lamang sa social media tapos papatulan na agad.

Comments are closed.