SUMISIKAT NA KETO DIET: EPEKTIBO NGA BA?

KETO DIET

Maraming masasarap na pagkain sa Filipinas na talaga namang hindi matatanggihan ng marami. At dahil dito, hindi natin maiiwasan kung minsan ang magdagdag ng timbang, na karamihan sa atin ay inaayawan ito.
Kaya naman sikat na sikat sa ating mga Filipino ang diet plans. Lahat na lang ng makita sa internet, ma-rekomenda ng kaibigan, marinig na ginagawa ng idolong artista ay sinusubukan. Ganoon na nga lang talaga ang pagka-conscious natin sa ating pagtaba.
Interesado tayo sa diet plans dahil mahilig tayong kumain pero ayaw nating tumaba at ayaw ring tu­mambay sa mga gym para magpapawis. Aminin man natin o hindi, madalas ganoon ang sitwasyon.
Isa sa mga sikat nga­yon para sa mga nagpapapayat ay ang Ketogenic Diet o mas kilala sa tawag na Keto Diet. Base sa mga pag-aaral, ang Keto Diet ay ang klase ng pagdidiyeta na kaunti lamang ang carbohy-drates at marami ang fats.
KETO DIETMaraming fats pero diet? Isa sa “misconception” tuwing nagdidiyeta ay dapat iwasan ang mga fatty food. Totoo ito sa ibang diet plans pero sa ilalim ng Keto diet, mas mataas ang konsumo dapat ng fats kaysa carbohydrates dahil fats ang panggagalingan ng enerhiyang kokonsumuhin ng katawan.
Dahil kaunti lamang ang carbohydrates na nilalaman ng pagkain at marami ang fat content, bababa ang glucose at insulin sa katawan at ito ay mapipilitang mag-shift sa paggamit ng tabang naipon o body fats na iti­nuturing na fuel. Dito na magsisimula ang tinatawag na state of ketosis sa diet plan na ito. Nagi-ging “fat-burning” ang sistema ng katawan kaya mas kailangan ng fats kaysa carbohydrates.
Ang diet plan na ito ay naglalaman ng 75 percent na fats, 20 percent protein, at five (5) percent carbo-hydrates na nanggaga­ling sa mga non-startchy vegetables. Istrikto ito sa rami ng porsiyento ng fats at carbohydrates na pumapasok sa katawan para mangyari ang state of ketosis.
Hindi ka man pagbabawalan na kumain ng lechon, crispy pata, chicha­ron at iba pang matatabang pagkain, sa keto diet naman ay hindi kasama ang tinapay, kanin at mga pasta dahil sa mataas nitong carbs.

MGA MAGAGANDANG DULOT NG KETO DIET

Hindi lang pampapayat ang maaaring maitulong ng Keto diet. Dahil magkakaroon ng bagong sistema ang iyong katawan, may health benefits ang Keto diet gaya ng mga sumusunod:
• Mabilisang pagpayat nang hindi naaapektuhan ang muscles. Isang magandang halimbawa nito ang sikat na basketbolistang si Lebron James. Siya ay nabawasan ng 25 pounds sa loob lamang ng 67 days nang dahil lamang sa Keto diet.
• Pagtanggal ng taba o fats. Tinatanggal ng Keto Diet ang fats sa mga lugar ng tiyan lalo na ang napa-kadelikadong taba, mukha, baba, at iba pang mga parte ng katawang may taba, maliban na lamang sa tabang matatagpuan sa ilalim ng balat.
KETO DIET• Mas maraming energy at mas focus na pag-iisip. Tila mas nais ng muscles at utak ang BHB dahil mas nakaka-focus ang pag-iisip kapag sumailalim sa diyetang ito. Hindi rin madaling mapagod kapag ang fuel na gamit ay ketones.
• Pagpapagaling o pagbawas sa sakit na Type 2 Diabetes. Isa ito sa dahilan kung bakit tanggap na tang-gap ang Keto Diet Philippines sa Filipinas. Maraming Pinoy sa kasalukuyan ang may ganitong karamdaman kaya sumubok sila sa ga­nitong diyeta.
• Nakaiiwas sa banta ng Cardiovascular. Ayon sa mga pananaliksik, ang low-carb diets tulad ng Keto diet ay hindi lamang nakapagpapapayat. Ito ay nakapagpapa-improve rin ng risk factor ng cardio vascu-lar ng isang tao dahil sa pagbaba ng Triglycerides at pagtaas naman ng HDL o good cholesterol nito. Ma­rami pang mga pag-aaral kaugnay nito ang nakapagpatunay sa ganitong benepisyo.
• Hindi madalas na pagkagutom. Naiiwasan din nito ang madalas na pagkagutom.

POSIBLENG SIDE EFFECTS

May side effects din ang Keto diet na mararanasan sa mga unang araw na pagsubok nito. Dahil nga sa magbabago ang katawan, lumabas sa mga pag-aaral ang ilang side effects na ito dahil sa nag-a-adapt pa ang sistema sa pagbabago ng katawan.
• Headache o sakit ng ulo. Ito ay sanhi ng pagkakaroon ng keto flu.
• Keto Flu. Ito ang pinaka-ordinaryong side-effect ng pagke-keto diet sa kadahilanang hindi pa naka-pag-a-adjust ang katawan ng isang tao para magamit ang fats na fuel. Para ito ay maiwasan kumain ng mga pagkaing nararapat lamang sa ganitong diyeta.
• Panghihina. Ito ay pansamantalang side effect lamang at lilipas din hanggang sa ikaw ay ma­ging fat-adapted na.
• Fatigue. Gaya ng panghihina, ito ay temporary side effect lamang at lilipas din hanggang sa masanay na.
Kahit na nababasa nating effective ang Keto diet o ilan pang diet plans, importanteng bago natin ito subukan ay may sapat tayong kaalaman dito. Mainam pa ngang may professional guide bago sumailalim sa diet plans.
Ang Keto diet ay isa lamang sa mga paraan para magpapayat. Marami pa riyan. Ang importante ay alam mo kung ano ang epektibo sa iyo at kung kaya ba ng katawan mo dahil hindi biro ang pagpapayat na minsan akala natin ay simpleng pagbabawas lang ng timbang.
At palaging tandaan, maraming mabubuting paraan para magpapayat. Hindi kailanman magi­ging kasama rito ang pagpapagutom o hindi pagkain sa tamang oras. Lyka Navarrosa

Comments are closed.