(Ni CYRILL QUILO)
PATAPOS na halos ang tag-araw, papasok na naman ang tag-ulan. Ngunit marami sa atin ang sabik pa ring magbakasyon at humabol sa summer nang makapagsaya at makapag-relax.
Sobrang naka-e-enjoy ang summer na para bang gusto mong ulit-ulitin ang bakasyon. Nais nating marating ang mga lugar na espesyal sa atin. Mga lugar na hindi pa natin nararating at nakita ng ating dalawang mga mata. Mga magagandang tanawin na biyaya ng ating Diyos. Naka-e-excite ‘di ba?
Dahil sa biyaya ng ating Panginoon, nararapat lamang na masilayan natin ang mga ipinagkaloob Niyang magandang kalikasan. Marami tayong karagatan, ilog, bundok, bulkan, kapatagan at iba pa na talaga naman maipagmamalaki ng ating bansa. Iyan ay ilan sa dahilan kung bakit patok ang turismo sa ating bansa.
May isang lugar sa Mindanao ang talaga namang dinarayo ng mga turista. Ayon sa Philippine Institue of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, ito ang isa sa 25 aktibong bulkan sa Filipinas, ang Mainit Sulfuric Hotspring sa Maco, Compostela Valley.
Matatagpuan ito sa Nabunturan, Capital ng Compostela Valley o Com Val. Mula ito sa salitang Cebuano na buntod na ang ibig sabihin ay mountain. At ang Nabunturan ay nangangahulugang “surrounded by mountain” na matatagpuan sa Brgy. Mainit, Maco na nasa paanan ng Mt. Leonard Kniazeff, isang geothermal active volcano sa Mindanao.
Malalaking bato-batong stalactites na kulay dilaw at dumadaloy ang mainit na tubig pababa sa iyong paanan. Mayaman din sa mineral ang hotspring na ito kaya kulay dilaw na pambihirang makikita sa Filipinas.
Mainit man ang panahon, hindi naman mapipigilan ang paliligo sa Mainit Hotspring. Lalo na kung ito ay makatutulong sa ating kalusugan o may health benefits sa ating katawan. Bukod sa pampawala ng muscle pains, ito rin ay nakatutulong sa ating blood circulation.
Sobra talagang nakare-relax dahil sa kanyang natural steaming water na animo’y nasa isang sauna na nakakawala ng stress. Kaya kinakailangan uminom ng maraming tubig matapos maligo rito upang maiwasan ang dehydration.
May mga papag o kahoy na higaan sa paligid ng hotspring, mga masahista na nakaabang para sa mga taong dumarayo sa lugar na gustong magpamasahe habang naliligo sa falls. Ang tubig ay kasing babaw lang ng iyong alak-alakan na dumadaloy sa ating paa.
Sa umpisa, dahan-dahan lang ang apak dahil parang napapaso ang iyong talampakan, super init ang pakiramdam pero kapag medyo nagtagal na ay makaka-adjust na rin ang pakiramdam dahil sa nanunuot na init sa paa.
Para makapunta sa Mainit Hotspring, kinakailangang umalis ng maagang-maaga dahil medyo malayo ito sa Davao City. Kailangan ding handa ang iyong katawan sa mahabang biyahe sapagkat may parteng lubak-lubak ang daan na iyong tatahakin. Isang oras at kalahati ang biyahe patungo sa naturang lugar.
Mula Davao City, maaari kang sumakay ng bus papuntang Tagum City na aabutin ng 45minutes ang biyahe. At pagbaba mo sa terminal, sumakay ng jeep papuntang Massar Route at doon ay mararating mo na ang napakagandang hotspring na may entrance fee na 10.00 lamang. Maaari ring mag-overnight sa lugar pero huwag masyadong mag-expect ng magandang banyo.
Nitong mga nakalipas na buwan, isinara ang Mainit Hotspring ng kanilang munisipyo dahil sa hindi na napapangalagaang mabuti ang lugar.
Bahagya itong nasalaula ng mga dumarayo. Nilinis itong muli upang mas maging kamangha-mangha at dayuhin pa ng maraming turista.
Comments are closed.