IPINAMALAS ni Florence Sumpay ng Polytechnic University of the Philippines ang pinakaimpresibong panalo, Huwebes ng hapon, matapos talunin si Raveklein Rubin ng City of Malabon University via Referee Stopped Contest (RSC) sa 55kg division ng ginaganap na 2023 Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games NCR Leg sa Rizal Memorial Coliseum.
Tatlong magkakasunod na left hook ng 21-anyos na 1st year Bachelor in Sports Science student na si Sumpay sa 1:30 minuto sa unang round ang nagtulak para agad na itigil ng refeee ang laban sa pagyakap kay Rubin tungo sa pagsiguro sa ikalawang gintong medalya ng kabilang sa state university sa bansa.
“Gusto ko po na maging miyembro ng Philippine Team tapos maging professional boxer pagka-graduate ko. Gusto ko po kasing tulungan ang pamilya ko na makaahon sa kahirapan. Sana po manalo pa ako sa national finals,” sabi ni Sumpay, na uusad sa National Finals ng torneo sa darating na Oktubre 17 hanggang 22.
Nagtala rin si Justin Laurezo ng Olivarez College of Paranaque ng RSC bagaman mas matagal ang oras nito ng pagpapabagsak kay Clifford Jhey Abucejo ng Makati Science Technological Institute of the Philippines sa dalawang minuto.
Nagtala rin ang 21-anyos at 2nd year BS Criminology student na si Manny Mabansag mula City of Malabon University ng RSC result sa pagpapatigil nito kay Ellyander Jay Pormeso ng Best Link of the Philippines na lampas sa dalawang minuto upang angkinin ang una nitong gintong medalya.
Una nang nagwagi ang PUP ng gintong medalya sa women’s 4x100m relay event mula kina April Joy Faa, Ma. Cristina Melissa Guemo, Kyn Kathleen Dela Rosa at Taslem Dilag.
CLYDE MARIANO