QUIRINO– MAKATATANGAP ng benepisyo at livelihood assistance sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program(ECLIP) ang limang miyembro ng CPP-NPA makaraang kusang sumuko sa Nagtipunan Police Station na kinabibilangan ng tatlong lalaki at dalawang amasonang babae.
Ang sunod-sunod na pagsuko ng mga kasapi ng makakaliwang grupo ay nagpapatunay na mabisa ang anti-insurgency campaign ng pulisya lalo na sa lalawigan ng Quirino.
Kinilala ni Major Raul Bunagan, information officer ng PNP Quirino ang mga sumuko na sina alyas Scorpio na may alyas din na Bong at Bagwis, vice chairman umano ng Timpuyug Dagiti Mannalon ti Quirino at militia ng bayan members na sina alyas Mait, revolutionary tax collector, alyas Krising at alyas Bidong, pawang mga residente ng Nagtipunan, Quirino.
Napag-alamang kasapi umano ng Samahang Propaganda at Militia ng Bayan ang mga sumuko at kumikilos ito sa Quirino at Nueva Vizcaya.
Isinuko rin ng mga ito ang tatlong improvised explosive device at propaganda documents at libro na naglalaman ng iba pang miyembro umano ng rebeldeng grupo. IRENE GONZALES