SUMUKONG SAYYAF LIDER IBIBIYAHE SA CRAME

CAMP CRAME-2

DADALHIN  patungong Camp Crame ang naarestong Abu Sayyaf sub-leader na si Anduljihad “Edang” Susukan matapos na sumuko kay da­ting Moro National Libe­ration Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari sa Davao City nitong Huwebes ng gabi (Agosto 13).

Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa na ibinigay ni Misuari sa kustodiya ng Davao City Police Office (DCPO) si Susukan matapos umano nitong sumuko sa kanya sa Jolo, Sulu at dinala sa kanyang bahay sa isang subdivision sa Maa.

Nagpasalamat naman si Gamboa sa tulong ni Misuari na mapasuko si Susukan sa pamamagitan ng negosasyon ng DCPO na pinangunahan ni City Director Police Col. Kirby John Karft.

Nabatid na nakipagnegosasyon umano ang mga awtoridad  matapos malaman na nasa lungsod si Susukan para magpagamot.

Isinilbi ng mga tauhan ng DCPO ang mga warrant of arrest laban kay Susukan na may 23 kasong murder, 10 sa kidnapping at serious illegal detention, habang anim naman sa frustrated murder.

Isasailalim si Susukan sa pagsusuri sa Camp Quintin Merecido Hospital sa Police Regional Office 11 bago ibiyahe patungong  Metro Manila. VERLIN RUIZ

Comments are closed.