SUNDALO HINDI MAGAGAMIT SA PRIVATE ARMIES NG POLITIKO

sundalo

CAMP AGUINALDO- UPANG hindi magamit na mga private armies o sekyu ng mga politiko at iba pang personalidad ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay hindi na sila papayagan na  maging security escort o bodyguards ng mga government at civilian officials.

Para maiwasan na ma­ging mga kasapi ng private armed groups o tagapagbantay ng mga VIP’s ang sundalo ay naglabas ng panibagong guidelines ng Department of National Defense (DND).

Sa pahayag ni Defense Spokesperson Director Arsenio Andolong, base sa bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Executive Order 98 (EO 98) Series of 2019 na inilabas ni Pangulong  Rodrigo Duterte,  hindi na papayagan ang mga military pesonnel na magsilbing  bodyguards ng  mga government at civilian officials.

Aniya, maaari lamang maging security escort sa mga entitled civilian offices at officials bilang aide-de-camp, military assistants o military administrative assistant base sa paiiralin ng IRR.

Hindi na umano palalawigin pa ang assignment o details ng mga military personnel  na naka-assign bilang mga bodyguards o security aide/escort ng mga politiko o VIPs.

Para makatupad sa sinumpaang mandato ay pinauubaya na sa Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng security service/escort sa mga nasabing indibiduwal.

Sinabi pa ni Andolong na mag-iisyu rin ng magkahiwalay na rules and regulations ang DND at DILG para sa agarang implementation ng EO 98.

Ang mga maaari lamang na magkaroon ng military assistants sa ilalim ng bagong IRR ay ang Senate president, the Speaker of the House, national security adviser, at NICA director general. VERLIN RUIZ