NAG-SUICIDE ang isang sundalo matapos na barilin at mapatay nito ang kapwa sundalo dahil sa mainitang pagtatalo hinggil sa kanilang trabaho nitong Biyernes sa Labrador, Pangasinan.
Nakilala ang biktima na si Technical Sgt. Marianito Bolante, 47-anyos , miyembro ng First Scout Ranger Regiment- Philippine Army na naka-base sa Camp Tecson, Barangay Tartaro, San Miguel, Bulacan.
Nagbaril naman sa sarili ang suspek na si M/Sgt. Henry Malong Quijado matapos ang maikling standoff sa pagitan ng mga rumispondeng alagad ng batas.
Batay sa inisyal na ulat ng Labrador Police Station, naganap ang pamamaril ni Quijado kay Bolante sa tahanan ng huli na matatagpuan sa Barangay Uyong.
Ayon kay M/Sgt. Glenn Ancheta, imbestigador ng Labrador Police, matapos mabaril ng suspect ang kabaro ay umuwi ito sa kanilang bahay at nagkulong.
Umabot ng tatlong oras ang pakikipag-negosasyon ng mga pulis para kumbinsihin ang suspect na sumuko subalit nabigo ang mga ito nang magpatiwakal ang suspect.
Na-recover mula sa pinangyarihan ng ktime ang isang Glock 17, 12 piraso ng live ammunition , 11 fired cartridge cases ng caliber 9mm at isang fired cartridge case ng 5.56 mm.
Hindi naman malinaw kung ano ang pinagtalunan ng dalawang sundalo.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.
EUNICE CELARIO