SUNDALO NAMARIL: 1 PATAY, 3 SUGATAN

ILOILO- ISANG tauhan ng Philippine Army ang nahaharap ngayon sa kasong pagpatay sa isang ama at ikinasugat din ng tatlong iba pa sa Passi City sa lalawigang ito kamakailan.

Batay sa police report, kinilala ang napaslang na si Greg Palomaria Sr., 54-anyos at residente ng Barangay Aglalana lungsod ng Passi kung saan nangyari ang insidente.

Habang sugatan naman sa insidente ang anak ng nasawi na sina Greg Palomaria Jr., 22-,anyos; Mark Palomaria, 30-anyos; at isang 17-anyos na lalaki.

Agad naman nadakip ng Passi PNP ang sundalong namaril at ang kapatid nito na sinasabing sangkot din sa gulo.

Ayon sa Passi police, may matagal nang may alitan ang biktima at suspek na nagsimulang saktan umano ng pamilya Palomaria ang isa sa mga suspek noong Oktubre.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na hinarang umano ng suspek at kapatid nito si Greg Jr., na dumaan sa harap ng kanilang bahay sakay ng isang motorsiklo at tinangka pang hatawin.

Mabilis na bumalik si Greg Jr. kasama ang ilang kamag-anak para komprontahin ang magkapatid na agad na nauwi sa gulo hanggang sa namaril na umano ang isa sa kanila na miyembro ng Philippine Army.

Agad dinala ng mga residente sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival si Greg Sr. dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan habang nilalapatan pa ng lunas ang mga nasugatan. VERLIN RUIZ