SUNDALO NIRATRAT NG KABARO DAHIL SA TANSAN

bala

TAGUIG CITY – ISANG sundalo ang namatay matapos na ito ay barilin ng kanyang kapwa sundalo kasama ang apat pang kalalakihan dahil lamang sa isang tansan na nauwi sa pagtatalo kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay na­kilalang si Pfc Gerald Niko Del Pilar, aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nakatalaga sa MPBN HHSG, Fort Bonifacio ng naturang lungsod.

Ayon sa pulisya, si Del Pilar ay dead on the spot matapos na ito ay magtamo ng tama ng bala sa ulo.

Nasa kustodiya naman ng Taguig City Police ang mga suspek na sina Sgt. John Necesito,  miyembro rin ng AFP na nakatalaga sa LRR (light reaction regiment), at Jepoy Arcilla, striker naman ng nasabing tanggapan.

Ang tatlo pang kasama ng mga suspek ay mabilis na nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.

Sa imbestigasyon ng Taguig City Police, ang insidente ay naganap  dakong 2:35 kahapon ng madaling araw sa harap ng isang resto bar na matatagpuan sa kahabaan ng  Bayani Road, Brgy. Western Bicutan ng naturang lungsod.

Nabatid na nag-iinuman umano ang mga suspek at biktima sa nabanggit na lugar nang matalsikan ng tansan ang biktima na nauwi sa pagtatalo at nauwi sa komosyon.

Matapos na ang grupo ay sitahin ng may-ari ng establisimiyento ay lumabas na ang mga ito subalit patuloy pa rin ang masamang tinginan ng mga ito.

Palabas na ng resto bar ang grupo nang bigla na lamang bumunot ng baril Necesito at biglang binaril si Del Pilar na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Nadakip ng ru­mespondeng mga pulis ang dalawang suspek at ang tatlo nilang kasabwat ay nakatakas sakay ng isang stainless jeep at dala ng mga ito ang armas na ginamit sa biktima. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.